(Dibuho ni Arlene F. Turla/ The Varsitarian)

NAHALAL bilang miyembro ng Pambansang Komite sa Wika at Salin ng National Commission for Culture and the Arts (NCAA) para sa taong 2026 si Roberto Ampil, propesor mula sa UST Kolehiyo ng Edukasyon.

Nakamit ni Ampil ang posisyon matapos makakuha ng 18 boto mula sa 25 na dumalo sa online na halalan.

Ayon kay Ampil, pangulo ng grupong Sangguniang Filipino, itinuturing niya ang bagong tungkulin bilang pagkakataong palakasin ang ugnayan ng akademya, mga tagasalin, at mas malawak na lipunan.

“Ito ay hindi lamang responsibilidad kundi paraan upang maisulong ang pagpapahalaga sa ating pambansang wika at kulturang pampanitikan sa pamamagitan ng tamang pagsasalin at paglinang ng kaalaman,” aniya sa panayam sa Varsitarian.

Ang pagkahalal ay pagkilala rin sa dedikasyon ng Unibersidad sa pagsulong ng wika at salin, ani Ampil.

Inaasahan ni Ampil na makapag-ambag sa komite sa pamamagitan ng pagpapataas ng pamantayan sa salin, pag-oorganisa ng mga workshop at seminar para sa guro at tagasalin, at pagpapalawak ng kamalayan sa salin bilang mahalagang bahagi ng pambansang identidad.

Kabilang sa kaniyang pangunahing adbokasiya ang pagbuo ng isang pambansang proyekto para sa pagsasalin ng mga klasikong akdang Filipino sa Ingles at iba pang lokal na wika, kasabay ng pagtatakda ng gabay sa kalidad ng salin.

Nais din niyang itaguyod ang paglikha ng digital archive para sa mga estudyante,  guro, mananaliksik, at iba pang practitioner.

Ayon kay Ampil, lumalawak ang kamalayan sa kahalagahan ng salin dahil sa pag-usbong ng mga organisasyon tulad ng PATAS, FIT, at KASALIN Network, kabilang ang aktibong sentro ng pagsasalin sa UST.

Gayunpaman, nananatili ang mga hamon tulad ng kakulangan ng mga tagasaling may sapat na kasanayan, mabagal na propesyunalisasyon ng larangan, at ang pangamba sa epekto ng malaganap na paggamit ng artificial intelligence (AI).

Dagdag pa rito ang napipintong pagbabawas ng ilang general education courses, kabilang ang kurso sa pagsasalin.

“Kaya mahalaga ang patuloy na pagsasanay, pananaliksik, at kolaborasyon upang mapalawak ang papel ng pagsasalin sa bansa,” aniya.

Naniniwala si Ampil na higit pang pinatitibay ng UST–NCCA partnership ang integrasyon ng akademikong pananaliksik at praktikal na aplikasyon sa lipunan.

“Ang UST, bilang isa sa mga nangungunang institusyon sa bansa, ay mayaman sa kaalaman, talento, at kasaysayan ng pampanitikan at lingguwistikong pag-aaral,” ani Ampil.

Dagdag pa niya, ang kalakasan ng Unibersidad sa pananaliksik ay mahalagang puhunan sa pagpapalawak ng mga proyektong pangwika at pagsasalin.

“Ang pakikipagtulungan sa NCCA ay nagbibigay daan sa mas malawak na proyekto, integrasyon ng akademikong pananaliksik at praktikal na aplikasyon, at pagpapalaganap ng wika at salin hindi lamang sa akademya kundi pati sa buong bansa,” ani Ampil.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.