TATLONG dekada na ang lumipas mula nang magmartsa ang libo-libong Tomasino laban sa mga aktibidad nukleyar ng France sa rehiyong Pasipiko.
Muling umigting ang usapin hinggil sa mga sandatang nukleyar sa gitna ng tensiyon sa Gitnang Silangan, kung saan isa sa mga ikinababahala ng Estados Unidos at Israel ang umano’y pagbuo ng Iran ng mga sandatang nukleyar.
Batay sa ulat ng Varsitarian noong Oktubre 1995, libo-libong estudyante, guro, administrador at iba’t ibang organisasyon sa loob ng UST ang nakiisa sa kilos-protesta noong Set. 14, 1995 sa Tinoko Park, na ngayo’y Rosarium.
Pinangunahan ang protesta ng AB Political Science Forum at ng Arts and Letters Student Council (ABSC).
Ayon sa noo’y pangulo ng ABSC, ipinakita ng kilos-protesta na mulat at may pakialam ang mga Tomasino sa pandaigdigang usaping pampulitika at pang-ekonomiya.
Sinuspinde noon ni Ophelia Dimalanta, noo’y dekana ng Faculty of Arts and Letters, ang mga klase upang bigyang-daan ang pakikilahok ng mga estudyante sa protesta.
Nagsuot ng pulang damit ang mga kalahok bilang sagisag ng pagkamilitante, at ng itim na laso bilang pagtuligsa sa nuclear testing.
Kabilang sa mga nakiisa ang UST Haribon, League of Filipino Students, Ugat-Lahi, Salakot, at mga student council ng College of Education at Faculty of Medicine and Surgery. Lumahok din ang ilang mag-aaral mula sa high school.
Mahigit 3,000 Tomasino ang lumagda sa isang dokumentong tumutuligsa sa desisyon ng noo’y pangulo ng France na si Jacques Chirac na ipagpatuloy ang mga aktibidad nukleyar na nagsimula pa noong 1966.
Nagkaroon din ng noise barrage na pinangunahan ng ABS-CBN Channel 2, kung saan nakilahok ang ilang mag-aaral mula sa College of Education, Institute of Physical Therapy at Faculty of Medicine and Surgery sa pamamagitan ng pagsigaw at pagbusina ng kani-kanilang sasakyan.







