KASABAY ng mainit na diskusyon hinggil sa umano’y “satirical” na paglalahad sa pelikulang “Quezon,” hinimok ng TBA Studios ang publiko na basahin ang opisyal na study guide para mas maunawaan ang konteksto at batayang historikal ng pelikula.
Noong Okt. 15, inilabas ng Dakila, isang samahan ng mga aktibistang nagsusulong ng karapatang pantao, ang “Quezon” film study guide na isinulat ni Alvin Campomanes, isang historyador at propesor ng social sciences sa UP Manila. Siya rin ang may-akda ng mga gabay para sa mga pelikulang “Heneral Luna” at “Goyo: Ang Batang Heneral.”
“The study guide is intended primarily for educators who wish to use films in teaching history, but it can also be enjoyed by anyone seeking to better understand and appreciate the movie,” wika ni Campomanes sa kaniyang Facebook post.
Nilalaman ng gabay ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa pelikula at sa kasaysayan, anotasyon sa mahahalagang diyalogo, at pedagohikal na mga gawain tulad ng pre-viewing, viewing, at post-viewing activities na maaaring gamitin sa klase.
Nakapaloob din sa libro ang mga eksenang hango sa primary sources at ang mga bahagi namang ginamitan ng malikhaing interpretasyon.
Kabilang dito ang ipinakitang silent campaign film ni Quezon, na isang artistic creation lamang at hindi tunay na nangyari sa kasaysayan.
Ganito rin ang naging pagsusuri sa iba pang bahagi ng pelikula, kabilang ang dramatikong tuligsaan nina Quezon at Aguinaldo, pati na ang ilang detalyeng teknikal ng produksyon na sinuri gamit ang primary at secondary sources.
“The guide also contains detailed commentary on crucial dialogues and debates, along with explanations of scenes that employ artistic license or creative liberties,” dagdag pa Campomanes.
Lumabas ang study guide ilang araw bago maging tampok sa publiko ang pagtuligsa ni Enrique Quezon Avanceña, apo ng dating pangulong Manuel Quezon, sa pelikula.
Aniya, isa itong “pagsasalaula” sa alaala ng kaniyang lolo.
BASAHIN: Direktor, kinompronta ng apo ni Quezon sa umano’y ‘pagsasalaula’ sa alaala ng dating pangulo
Samantala, binigyang-diin ni historyador at Palanca award-winning playwright Jose Victor Torres na magkaiba ang paggawa ng pelikulang historikal at dokumentaryo.
“A film based on history has all the elements of fact and fiction. It is both art and at the same time a reality,” wika ni Torres sa kaniyang Facebook post.
Dagdag pa niya, bawat direktor ay may kani-kaniyang layunin sa paglikha ng pelikulang historikal, kaya’t natural na magkaroon ito ng iba’t ibang interpretasyon mula sa mga manonood.
“If you ask me, what was Quezon’s intent? I can say that his intent was to stay in power. That is a politician’s soul. But we must remember that he cannot stay in power without a country. So he does his best to make that country better for his power,” paliwanag ni Torres.
Para kay Torres, ang “Quezon” ay nasa pagitan ng likhang-sining at repleksyon ng realidad — isang lunsaran ng pagninilay at talakayan hinggil sa kasaysayan, hindi lamang isang pelikulang dapat husgahan.







