Hindi sa dami ng parangal nasusukat ang halaga ng isang manunulat, kundi sa patuloy na paghasa sa kakayahang magkuwento, ayon sa mga nagkamit ng Rector’s Literary Award (RLA) sa Gawad Ustetika.
Ayon kay Carmel Ilustrisimo, nagkamit ng RLA sa ika-35 Gawad Ustetika para sa maikling kuwentong “The Silence of Stars,” nagbigay sa kaniya ng kumpiyansa ang parangal upang sumali sa mga workshop at iba pang patimpalak pampanitikan.
“At that time, my main goal wasn’t to win. It was to be read,” ani Ilustrisimo sa panayam ng Varsitarian.
Hinimok ni Ilustrisimo, kasalukuyang instruktor sa Departamento ng Literatura ng UST, ang mga manunulat na panatilihin ang sigasig sa mismong proseso ng pagsusulat.
“If you don’t get it [award], the act of writing is the reward itself. Don’t learn this the hard way,” dagdag pa niya.
Ibinahagi naman ni Hailord Lavarias, nagkamit ng RLA sa ika-36 Gawad Ustetika at dating literary writer ng Varsitarian, na hindi hadlang ang kursong malayo sa malikhaing pagsulat upang makilala sa larangan ng panitikan.
“Testament ako na hindi ibig sabihin na you are taking or you’ve taken a program that is far from creative writing or literature is hindi ka na p’wedeng mag-excel or hindi ka na p’wedeng magawaran sa [Gawad] Ustetika,” wika ni Lavarias.
“Anyone who has the capacity to write creatively can actually be recognized by Ustetika,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ni Lavarias na mahalagang hamunin ng mga manunulat ang kanilang sarili na tuklasin ang iba’t ibang paksa, dahil magagamit ang mga karanasang ito sa iba’t ibang larangan.
Kinilala siyang RLA noong mag-aaral pa sa Faculty of Arts and Letters para sa koleksiyon ng tulang “Umiiral: Mga Tula.” Nagpatuloy siyang lumahok sa patimpalak nang maging estudyante sa Faculty of Civil Law.Isa na siyang abogado sa Tumang Bermudez Santos Ben Law Offices sa Taguig.
Ayon naman kay Marie Claire Lagrisola, tumanggap ng RLA sa ika-39 Gawad Ustetika, dapat nagmumula sa pagnanais na magkuwento ang pagsusulat.
“I feel I need to share these stories to people to learn from them, to hopefully inspire them, to warn them,” ani Lagrisola.
Nakamit niya ang parangal habang mag-aaral sa Faculty of Arts and Letters para sa sanaysay na “Isang Liham ng Isang Dating Atleta,” na tumatalakay sa karanasan ng isang manlalaro.
Para sa kaniya, bagaman may ilang manunulat na nag-aatubiling ilantad ang kanilang akda sa publiko, napahuhusay ang kakayahang magkuwento sa pamamagitan ng pagtanggap sa kritisismo at komento.
Ibinahagi rin ni Lagrisola, na kasalukuyang mag-aaral sa Faculty of Civil Law, ang prinsipyong binanggit ni Justice Maria Filomena Singh sa isang lektura: “Public office is a public trust, and that justice is not enough when it works silently.”
Samantala, sinabi ni Faye Julianne Rafael, nagwagi ng RLA sa ika-40 Gawad Ustetika, na hindi dapat gawing sukatan ng kakayahan ng manunulat ang mga gantimpala at pagkilala.
“Nais [kong] iparating na patuloy sana nating linangin at hasain ang ating kakayahan, may karangalan man o wala,” wika niya.
“Patuloy nating ihayag ang ating tinig, gawing instrumento ang pagsulat upang magbahagi ng mga bagong kaisipan, pumukaw ng damdamin at magbigay kamalayan sa ating mga mambabasa,” dagdag pa niya.
Kinilala si Rafael bilang RLA sa ika-40 edisyon ng Gawad Ustetika para sa tulang “Laro.”
Ang RLA ay iginagawad ng Rektor ng Unibersidad sa akdang nagkamit ng unang gantimpala sa bawat kategorya ng Gawad Ustetika, ang pinakamatagal na taunang patimpalak pampanitikan sa bansa.
Ngayong taon, may pitong kategorya ang Gawad Ustetika: Tula, Poetry, Katha, Fiction, Sanaysay, Essay, at Dulang May Isang Yugto/One-Act Play.
Nakatakdang idaos ang Gabi ng Parangal ng ika-41 Gawad Ustetika sa Marso 27 sa gusaling Buenaventura Garcia Paredes, O.P.. Charlize Ann D. Lavastida may ulat nina Ma. Irish F. Fery, Nyl R. Dadiz, Sydney Venice V. Berba at Inah Denise A. Manansala







