DINEPENSAHAN ni Pambansang Alagad ng Sining Virgilio Almario, o mas kilala bilang Rio Alma, ang pakikilahok ng Filipinas sa Frankfurt Book Fair (FBF) 2025 sa kabila ng boycott at batikos laban dito.
Iginiit ni Almario na mahalagang pagkakataon ang pagiging “guest of honor” ng Filipinas sa prestihiyosong book fair upang maipakilala ang panitikan at kultura ng bansa.
“Naipakilala sa mundo ng pablising, lalo na sa Germany, ang katangian ng panitikan at kultura ng Filipinas. Nangangahulugan ito ng dagdag na negosyo para sa mga pabliser at mga writer,” wika ni Almario sa isang Facebook post.
Kabilang sa mga lumahok sa delegasyon ang mga propesor at awtor mula sa UST Publishing House (USTPH), na nagdala ng mga piling akda bilang bahagi ng pagpapakilala ng panitikang Filipino sa pandaigdigang merkado.
Pinangunahan din ng USTPH ang panel na “Book Awards for More Visibility,” na tinalakay ang papel ng mga parangal sa pagpapalawak ng bisibilidad at reputasyon ng panitikan, sa pangunguna ni Prop. John Jack Wigley at iba pang manunulat mula sa Europa at Asya.
Ibinahagi ni Almario na higit isang dekada niyang pinagtuunan ang proyekto, matapos niyang masaksihan ang tagumpay ng Indonesia bilang guest country ng FBF.
Aniya, nagtulungan ang mga opisyal ng National Book Development Board (NBDB) at mga tagapagtaguyod ng industriya ng panitikan upang maisakatuparan ang paglahok ng Pilipinas, sa pangunguna nina Karina Bolasco, Neni Sta. Romana-Cruz, Riya Lopez, at Sen. Loren Legarda.
Dagdag pa niya, ang pakikilahok ng bansa sa FBF ay hakbang upang mapalaganap ang pambansang identidad sa pamamagitan ng panitikan.
Binigyang-diin din ni Almario ang tagumpay ng mga Pilipinong awtor tulad nina Butch Dalisay at Allan Derain, na ang mga akda ay naisalin sa wikang Aleman at tinatangkilik ng mga mambabasa roon.
Aniya, hindi umiiwas sa isyu ng Palestine ang delegasyon ng Pilipinas.
“Ilan ang tahasang dumalo sa pook ng FBF (Frankfurt Book Fair) na inilaan sa mga Palestino. Walang nagbawal sa kanila,” wika ni Almario.
Ibinahagi rin niya na maraming Pilipino, kabilang ang mga may asawang German, Irish, Belgian, Briton, Español, French, at maging Palestinian, ang naglakbay at gumastos upang ipagmalaki sa kanilang mga pamilya ang mga Pilipinong awtor na kalahok sa book fair.
Samantala, nagpahayag siya ng panghihinayang sa mga grupong piniling mag-boycott sa naturang pagtitipon.
“Nalungkot nga ako sa birada ng mga nagboykoteo,” aniya. “Sayang, kung naimbita sila sa delegasyon at humindi, baka mas nakatulong pa sila sa pagpaparangal sa sining at kultura ng Filipinas. At baka talaga ngang naiparinig din nila ang kanilang politika sa Frankfurt.”
“Mas nakinabang ang mga delegado sa karanasan nila sa FBF kaysa mga nagboykoteo at lubhang naudyukan ng politika ng poot,” dagdag pa niya.
Umani ng kontrobersiya ang Frankfurt Book Fair matapos magdesisyon ang ilang manunulat at pabliser na i-boycott ang event bilang protesta sa umano’y kakulangan ng suporta ng mga organizer sa mga Palestino sa Gaza, na winasak ng labanan ng Hamas at Israel.
Ang Frankfurt Book Fair, na itinuturing na pinakamalaking pagtitipon ng mga manunulat at pabliser sa buong mundo, ay idinaos noong Okt. 13 hanggang 19 sa Frankfurt, Germany.







