IGINIIT ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Virgilio “Rio Alma” Almario ang kahalagahan ng pagpapahalaga sa sariling wika, kultura, at panitikan—isang aral na natutuhan niya sa yumaong manunulat na si Bienvenido Lumbera.
“Dapat kalimutan n’yo muna ang AI para maalala n’yo si [Bienvenido Lumbera], kapag AI ang pinag-iisipan n’yong mabuti, [ay] makalilimutan n’yo ang lahat ng bagay sa Filipinas,” saad ni Almario sa panayam ng Varsitarian.
“Kaya mahalaga na ‘yong ugat, wika, at kultura ay makilala n’yo kaysa sa AI,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Almario ang kahalagahan ng pananatiling nakaugat sa sariling kultura, gaya ng ipinamalas ni Lumbera sa kaniyang mga ambag sa panitikan at sa pelikulang Filipino.
“Sa loob ng ilang dekada ay itinuring kong huwaran ang rigor at dalubhasa niyang saliksik sa panitikan at pelikulang Filipino,” wika ni Almario. “Ang ingat niya sa pagpapahayag ay hindi ko kailanman mapapantayan.”
Para kay Almario, inialay ni Lumbera ang kaniyang pagsusulat “para sa bayan.”
Kabilang sa mga ambag ni Lumbera sa pag-aaral ng panitikang Filipino ang kaniyang pananaliksik sa apat na siglo ng tulang Tagalog na pinamagatang “Tagalog Poetry, 1570-1898: Traditions and Influences in Its Development.”
Sinuri sa pag-aaral ang pag-angkop ng mga tradisyonal na anyo ng katutubong tula sa ilalim ng impluwensiya ng kolonyalismo.
Ibinahagi ni Almario na si Lumbera ang naging dahilan ng kaniyang pagtuturo sa Ateneo de Manila University, matapos hikayatin ni Lumbera ang Kagawaran ng Araling Filipino na tanggapin siya bilang guro kahit hindi pa siya nakapagtapos ng masterado.
Itinuring niya si Lumbera na kaagapay na patuloy na sumuporta sa kaniya sa mahigit anim na dekada nilang pagkakaibigan.
Ayon kay Almario, nang siya ang tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino, patuloy na sinuportahan ni Lumbera ang mga proyekto at panukala ng komisyon sa larangan ng panitikan at wika.
Sinabi niyang pinahahalagahan ni Lumbera ang “akademikong diskusyon,” kaya madalas nitong pinapayuhan si Almario na huwag nang patulan ang mga batikos.
Ikinuwento rin ni Almario ang kaniyang paghanga sa paraan ng pagpapaliwanag ni Lumbera sa mga isyung hindi niya lubos na nauunawaan at sa pagsusuri nito sa mga usaping panlipunan.
“Ito marahil ang bisa ng kaniyang kuro tungkol sa halaga ng panitikan, wikang pambansa, pagsasalin, at iba pang isyung pangkultura sa politika ng ating bayan ngayon, mga isyung nais kong patuloy na pagmunian bilang pagtupad sa kaniyang mga naituro sa akin,” wika niya.
Naglingkod si Lumbera bilang tagapangulo ng aktibistang samahang Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan noong panahon ng Batas Militar.
Nakulong siya nang mahigit isang taon sa ilalim ng rehimen ni Ferdinand Marcos Sr.
Isinulat din niya ang libretto ng opera-ballet na “Tales of the Manuvu,” na nagbibigay-diin sa pagtitiwala ng tao sa sariling kakayahan sa halip na umasa sa kapalaran.
Nagsilbi rin siyang katuwang na patnugot sa panitikan ng Varsitarian noong 1953 at nagtapos ng Bachelor of Literature in Journalism sa dating Fakultad ng Pilosopiya at Letra ng Unibersidad noong 1954.
Pumanaw si Lumbera sa edad na 89 noong Set. 28, 2021, dahil sa mga komplikasyong dulot ng stroke.
Ginunita ni Almario ang kaibigan sa ikalimang anibersaryo ng pagkamatay nito noong Set. 28 sa UP Vargas Museum, kung saan inilunsad ang ikatlong Bienvenido Lumbera Lecture Series na pinamagatang “Parolang Ginto.”







