(Dibuho ni Jinmarson Chester V. Pua/ The Varsitarian)

INALMAHAN ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio “Rio Alma” Almario ang United Architects of the Philippines (UAP) dahil sa mariing pagtutol nito sa paggamit ng media ng katawagang “architects of plunder” kaugnay ng mga anomalya sa flood-control projects ng pamahalaan. 

Sa isang pahayag noong Set. 23, iginiit ng UAP na ang paggamit ng salitang “architect” bilang katumbas ng “mastermind” ng krimen ay nakasisira diumano sa dignidad ng mga arkitekto at nakakabawas sa tiwala ng publiko sa propesyon.

When the media uses ‘architect’ as a synonym for ‘mastermind of crime,’ it corrodes public perception of the profession, trivializes years of education, licensure, and ethical responsibility, and undermines the trust that architects have worked hard to earn from the Filipino people,” wika ng UAP sa kanilang open letter. 

“Sa kaso ng liham ng mga arkitekto ay literal ang pagbasa nila sa ‘mga arkitekto ng pandarambong.’ [I]nisip niláng silá ang pinatatamaan. Masyado silang nagiging balat-sibuyas,” wika niya sa isang post sa Facebook.

“Sa kaso ng liham ng mga arkitekto ay literal ang pagbasa nila sa ‘mga arkitekto ng pandarambong.’ [I]nisip niláng silá ang pinatatamaan. Masyado silang nagiging balat-sibuyas,” wika niya.

Dagdag pa niya, ang salitang “arkitekto” ay maaari ring gamitin sa piguratibo o metaporikal na paraan, hindi lamang sa larangan ng disenyo at konstruksyon. 

“Mas dapat nilang tutukan ang mga tiwaling opisyal at kontratista kaysa maging sensitibo sa paggamit ng salita,” giit niya.

Para sa arkitektong si Felicisimo Tejuco Jr., na nagtuturo sa Polytechnic University of the Philippines at kasapi ng UAP, malinaw na ginamit ang “architects of plunder” bilang tayutay upang tukuyin ang mga utak ng katiwalian.

“[A]ng perspective ko is figure of speech ‘yong pagkakagamit sa ‘architects of plunder.’ I would like to believe na hindi ito conscious na [pagpaparatang] na ang mga architects ay masasamang tao,” wika ni Tejuco sa Varsitarian.

Gayunman, iginiit ni Tejuco na mahalagang unawain kung bakit naging matindi ang reaksiyon ng UAP. 

Aniya, matagal nang hinaharap ng propesyon ang iba’t ibang hamon tulad ng umano’y malpractice, kompetisyon sa ibang larangan, at ang tensiyon sa pagitan ng mga arkitekto at inhinyero.

“Kumbaga, they really are passionate about the title, and because of so many challenges, I think medyo na-trigger sila. [S]ome will really take a strong front. ‘Yong others naman, would be open and would see it as a figure of speech,” wika ni Tejuco. 

Bilang lisensyadong arkitekto, guro, at urban planner, inilahad din ni Tejuco ang bigat ng pinaghuhugutan ng mga kasamahan niyang arkitekto sa usapin ng titulo.

“Hindi ito yabang, kundi pagmamahal sa propesyon. Pinagmamalaki mo ang pinag-aralan at pinapractice mo, kaya natural na gusto mong protektahan ang titulo,” paliwanag niya.

Sa kabila nito, iginiit ni Tejuco na hindi dapat ituring na eksklusibo ang paggamit ng salitang “arkitekto” sa literal na kahulugan lamang. 

Aniya, matagal nang ginagamit ang termino sa iba’t ibang larangan at konteksto, gaya ng “God as the Great Architect of Life,” “computer architect,” at “naval architect.”

Sa huli, nanindigan si Almario na ang dapat na pokus ay hindi sa semantics kundi sa tiyak na pananagutan ng mga nasa likod ng katiwalian.

Ang higit na dapat niláng gawin ay tanggalan ng lisensiya ang mga kasapi nilá na nadadawit sa flood control scams. O tumulong sila sa paglilinis ng mga mandarambong sa DPWH at ng mga magnanakaw na arkitekto sa mga kompanyang kontratista sa proyektong impraestruktura ng gobyerno,” giit ni Almario. 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.