NASUNGKIT ng pambansang koponan ng Pilipinas ang ikapitong puwesto sa Frisbee mixed division laban sa 15 bansang nagtagisan ng galing sa World Ultimate and Guts Championship ng World Flying Disc Federation na ginanap sa Sakai, Japan mula Hulyo 7 hanggang 14.
Pinataob ng Smart TV5 Pilipinas ang koponang mula sa France, 17-10.
“Sinamantala namin ang marami nilang pagkakamali sa pamamagitan ng pag-iskor sa aming goal,” ani Tin Garcia, ang pangulo at team captain ng España United, ang opisyal na Frisbee team ng UST.
Tinalo ng mixed team ng Pilipinas ang mga pangkat mula sa Russia (14-11), South Africa (17-3), at France (17-9), bago makarating sa quarterfinals kontra Germany, kung saan sila’y naungusan, 14-17, bunsod ng mahinang opensa.
Samantala, umuwi namang luhaan ang open team (all men) matapos mabaon sa ika-16 na puwesto sa kanilang dibisyon na nilahukan ng 19 na bansa. Kabilang sa open team ang alumnus na si John Regencia.
“Ang strategy [ng Pilipinas] ay magpadala ng malakas na mixed team at average-performing na open team dahil mas malaki ang pag-asa nating manalo sa mixed division,” ani Garcia.
Nagkamit lamang ng isang panalo ang open team kontra sa koponan mula sa Mexico, 17-12, sa kanilang unang paghaharap. CARLA PATRICIA S. PEREZ






