Sa kabila ng ulan at suspensyon: Mahigit 10,000 freshman dumaan sa Arko ngayong AY 2026-2027

0
39

OPISYAL nang tinanggap ng Unibersidad ang mahigit 10,000 na Tomasinong freshmen sa idinaos na Welcome Walk, Huwebes, Agosto 13.

Sa kabila ng sunod-sunod na pagkaantala ng mga aktibidad para sa pagtanggap ng mga bagong Tomasino, nakapasok na ang mga freshman mula sa lahat ng yunit akademiko sa makasaysayang Arch of the Centuries

Binuksan ang mga aktibidad sa Thomasian Welcome Mass na pinangunahan nina Rektor P. Richard Ang, O.P., at P. Dexter Austria, O.P., direktor ng Facilities Management Office, na nagbigay ng homiliya. 

As human beings, we are uniquely created by God, not by algorithm. Embrace your authenticity as a human being,” sabi ni Austria sa kaniyang homiliya.

(Bilang mga tao, tayo ay mga natatanging nilalang na hinulma ng Panginoon, hindi ng algoritmo. Isapuso niyo ang inyong totoong pagkatao.) 

Sinundan ito ng morning session ng 2026 ROARientation at ng pagpasok sa Arch of the Centuries ng mga kolehiyo at fakultad na kabilang sa morning batch.

Nakapasok din sa arko ang afternoon batch ng mga freshman, ngunit kinansela na ang Thomasian Welcome Mass at ROARientation sa hapon alinsunod sa deklarasyon ng Malacañang dahil sa matinding pag-ulan.  

Kabilang sa morning batch ang mga mag-aaral mula sa Alfredo M. Velayo – College of Accountancy, Faculty of Arts and Letters, College of Fine Arts and Design, College of Information and Computing Sciences, Conservatory of Music, College of Nursing, Faculty of Pharmacy, College of Rehabilitation Sciences, at Faculty of Medicine and Surgery.

Ang afternoon batch naman ay binubuo ng mga mag-aaral mula sa College of Architecture, Faculty of Civil Law, College of Commerce and Business Administration, Ecclesiastical Faculties, College of Education, Faculty of Canon Law, Faculty of Engineering, Institute of Physical Education and Athletics, Graduate School, Graduate School of Law, College of Science, at College of Tourism and Hospitality Management.

Batay sa tala ng Unibersidad, narito ang bilang ng mga bagong mag-aaral: 

  • College of Commerce and Business Administration – 900
  • College of Science – 852
  • UST-AMV College of Accountancy – 660
  • Faculty of Medicine and Surgery – 624
  • College of Education – 611
  • College of Tourism and Hospitality Management – 555
  • College of Information and Computing Sciences – 512
  • College of Fine Arts and Design – 502
  • College of Architecture – 445
  • College of Rehabilitation Sciences – 405
  • College of Nursing – 246
  • Graduate School – 321
  • Conservatory of Music – 106
  • Institute of Physical Education and Athletics – 115
  • Faculty of Civil Law – 266
  • Ecclesiastical Faculties – 131
  • Graduate School of Law – 35 
  • Faculty of Pharmacy – 976
  • Faculty of Engineering – 1,138
  • Faculty of Arts and Letters – 1,251

‘ROARientation’ sa hapon, naudlot

Halu-halong emosyon ang naramdaman ng ilang Tomasino sa biglaang pagkaantala ng ROARientation para sa afternoon batch.

Nagpahayag ng pagkadismaya si Dehnies Garin, mula sa Faculty of Engineering, sa biglaang kanselasyon ng mga aktibidad.  

Sa kabila nito, nasasabik pa rin siya sa pagsisimula ng kanyang buhay-kolehiyo bilang isang Tomasino.

I’m excited to meet beautiful people and meet the warm Thomasian life,” giit niya. 

(Nasasabik akong makilala ang mga magagandang tao at maranasan ang mainit na buhay Tomasino.)

Lubos namang nagpapasalamat si Dazzle Panganiban mula sa Faculty of Civil Law dahil natuloy pa rin ang mga aktibidad matapos ang sunod-sunod nitong pagkansela. 

Very thankful kasi natuloy din [ang Welcome Walk] despite what’s happening, and I do believe that because of the Thomasian spirit, nandon pa rin ‘yung persistence kahit ganito ‘yung panahon,” saad ni Panganiban. 

(Nagpapasalamat ako na natuloy pa rin ang Welcome Walk sa kabila ng nangyayari, at naniniwala ako na dahil sa diwang Tomasino, nandoon pa rin ang pagpupursige kahit ganito ‘yong panahon.) 

Nagsimula ang klase para sa mga sophomore, junior, at senior ngayong taong akademiko noong Agosto 7. 

Simula noong 2002, ang tradisyunal na Thomasian Welcome Walk at ang pagpasok sa makasaysayang Arch of the Centuries ang nagsisilbing opisyal na pagbubukas sa taong panuruan para sa mga bagong Tomasino. May ulat nina Amador Denzel M. Teston at Alexandra S. Demaisip 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.