BILANG paghahanda sa ika-100 anibersaryo nito sa Marso 2026, inilunsad ng Kolehiyo ng Agham ang mga programa upang palakasin ang paggamit ng wikang Filipino sa agham at teknolohiya.

Katuwang ang Sentro ng Salin at Araling Salin (SSAS), sisimulan ng kolehiyo ang proyektong “Saandaang Saling Agham” na naglalayong isalin ang 100 abstrak ng mga tesis ng mga nagsipagtapos noong 2024 at makabuo ng glosaryo ng mga terminolohiyang pang-agham.

“Isang daang iba’t ibang abstracts [na] manggagaling sa iba’t ibang departamento at iba’t ibang programa ‘yong pagninilayan at pag-uusapan natin,” wika ni Kawaning Dalubguro Henmar Cardiño sa seminar na “Salinsanay 2025: Pagsasanay sa Pagsasaling Pang-Agham” sa Thomas Aquinas Research Center Auditorium nitong ika-14 ng agosto.

Ayon kay Cardiño, nakalap na ang mga abstrak at kasalukuyang nire-rebisa, at nakatakdang ilunsad ng kolehiyo bilang aklat sa Marso 2026 kasabay ng sentenaryo.

Nakaugat ang proyekto sa Memorandum CSM 71, Series of 2025, na nag-aatas sa mga guro ng Kolehiyo ng Agham na isulong ang paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo ng mga teknikal at propesyonal na kurso.

BASAHIN: In a first in UST, College of Science urges faculty to teach courses in Filipino

Sa panayam ng Varsitarian, inihayag ni Dekano Rey Donne Papa na inilunsad ang seminar upang linangin ang kakayahan ng mga academic staff sa paggamit ng wikang Filipino sa kanilang mga kurso. 

Dagdag pa niya, pag-aaralan ng kolehiyo sa mga susunod na taon ang epekto ng inisyatiba sa pagkatuto ng mga estudyante.

“Kung epektibo ang Filipino sa pagpapalaganap ng maling impormasyon gaya ng fake news, mas epektibo itong gamitin para ipaliwanag ang mga facts sa agham,” ani niya.

Inklusibong pagtuturo

Inihayag ni Dino Tordesillas, kawaning dalubguro mula sa Departamento ng Biyolohiya at isa sa mga tagapagsalita sa seminar, mas inklusibo ang lektura sa wikang Filipino, base sa kaniyang walong taong karanasang pagtuturo nito.

“[K]apag Filipino ang gamit, hindi lang basta-basta nakikinig ang mga mag-aaral, nagiging bahagi sila ng usapan. Mas madali silang nakapagtatanong kapag wikang Filipino ang gamit, hindi sila nahihiya, at madali nilang nasasabi ‘yong mga nais nilang sabihin,” tugon ni Tordesillas sa Varsitarian.

Binigyang-diin niya na dati’y iilan lamang ang gumagamit ng Filipino sa pagtuturo sa agham.

“Pero ngayon kasi, ginawa nating formal initiative ng college na suportahan ‘yong mga panawagan ni Dr. [Fortunato] Sevilla na gamitin ang Filipino sa pagtuturo ng Agham,” ani Papa.

Si Sevilla, isang propesor emeritus, ay dating dekano ng kolehiyo na nangungunang tagapagsulong ng paggamit ng Filipino sa agham.

Ani Prop. Roberto Ampil ng Kolehiyo ng Edukasyon, ang relasyon ng agham at wika ay maaaring ilarawan bilang symbiosis, kung saan kapwa nakikinabang ang dalawang larangan.

“Ganoon nakatutulong ang science sa wikang Filipino kasi lumalaganap, naiintelektwalisa ang wikang Filipino dahil nagagamit ito sa larangan ng agham,” dagdag pa niya.

Para kay Ampil, mahalagang matutuhan muna ng kabataan ang sariling wika bago tuluyang maunawaan ang mga teknikal na asignatura gaya ng matematika at agham. 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.