NATANONG mo na ba sa iyong sarili kung bakit tila pagod na pagod ka kapag puyat ka?
Ayon kay Edilberto Gonzaga, isang propesor sa Department of Psychology ng College of Science, bukod sa panghihina ng katawan, may dalawang epekto ang kakulangan sa tulog. Ito ay pawang sikolohikal at pisyolohikal.
Sa sikolohikal na aspekto, naaapektuhan ang haba ng atensyon, konsentrasyon, tamang pag-iisip at nagiging sensitibo.
“Hindi ba, kapag tayo ay puyat mabilis tayong mapikon at mainis sa ating paligid?” puna ni Gonzaga. “Mabilis din tayong mapagod at mawalan ng pokus sa ating mga ginagawa.”
Ayun sa lackofsleep.com, isa sa mga sanhi ng kawalan ng tulog ng isang indibidwal ay ang kanyang personal na buhay, mga personal na problema, at mga problema sa trabaho.
“Lahat ng mga naaapektuhan [atensyon, pag-iisip at pokus] ay hindi dapat balewalain ng isang indibidwal; ito ay makakasama sa kanya kung babalewalain,” ani Gonzaga.
Sa pisyolohikal na aspeto, naapektuhan ang pangangatawan ng isang indibidwal.
“Dahil sa ating biological clock, ang kawalan ng tulog ay makakapinsala sa ating biological rhythm,” ayon kay Gonzaga.
Ang mga panimulang epekto ng kawalan ng tulog sa pangangatawan ay ang madaling pagkapagod at fatigue.
Susunod na dito ang mga somatic pain, kagaya ng mga sakit sa mga kasu-kasuan at sakit ng ulo.
“Lalo na sa mga henerasyon ng mga kabataan ngayon, mabilis talaga ang lifestyle kaya madali silang nagkakasakit,” sabi ni Gonzaga.
Ang pinakamalalang epekto ng kawalan ng tulog ay ang pagkapinsala ng immune system ng isang indibidwal.
Ang ating immune system ang pangunahing proteksyon ng katawan laban sa mga sakit at impeksyon. Kapag ito ay humina, mas mabilis ang paglala ng isang sakit.
“Ang simpleng sipon ay maaaring maging pneumonia kung ang immune system ay humina,” babala ni Gonzaga.
Mayroong dalawang kahulugan ang kawalan ng tulog—kulang ng oras ng pagtulog at ‘di-karaniwang padron ng pagtulog.
Mga salik na napapabilang sa kakulangan ng tulog ng mga estudyante ay ang iskedyul ng mga klase at mabigat na gawain sa eskwela. Sabi ni Gonzaga, “lalong nahihirapan ang mag-aaral na mag-adjust sa ganitong iskedyul dahil mula elementarya, umaga ang mga klase.”
Sa kabilang banda, ipinayo ni Gonzaga, na dapat ay pangunahing prayoridad ng isang indibidwal, lalo na mga kabataan, ay ang kanilang kalusugan.
“Sa pagkakaroon ng tamang oras ng pagtulog, mas gumaganda ang ating pangangatawan at kalusugan,” sabi niya.
Ayon sa matagal na pananaliksik at pag-aaral, ang pagtulog sa tamang oras ay nakakatulong sa katawan upang magpakawala ng mga growth hormones. Nakakatulong ang growth hormones sa mga kabataan upang lalong tumangkad.
“Kung hindi magkakaroon ng tamang oras ng pagtulog ang isang indibidwal, patungo ito sa retardation ng ating mga buto ng nagreresulta sa pagtigil ng pagtangkad,” ani Gonzaga.
Paalala ni Gonzaga, “mas importante ang kalusugan. Kung mataas nga ang iyong mga marka sa klase, maganda ba ito kung ang iyong katawan ay malapit nang bumagsak?”
Kaya’t sa susunod na maisip mong mag-puyat, aalalahanin mo muna ang iyong kalusugan.