BAKIT mahalaga ang paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo ng agham?
Ayon kay Prop. Emeritus Fortunato Sevilla III, isang kilalang tagapagtaguyod ng paggamit ng Filipino sa agham sa UST, hindi lamang nito pinadadali ang pag-unawa kundi ginagawa rin nitong mas natural ang proseso ng pagkatuto.
“‘Pag estudyante ka at naririnig mong Filipino ang pagtuturo, naintindihan mo,” wika niya sa isang panayam sa Varsitarian. “‘Yon ang sinasabi kong objective sa paggamit ng Filipino, para maintindihan ng estudyante; naa-appreciate nila dahil wikang sarili ang ginamit at hindi Ingles.”
Batay sa ulat ng Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2022, kabilang ang Filipinas sa mga bansang may pinakamababang antas ng kahusayan sa pagbabasa, matematika, at agham.
Naniniwala si Sevilla na isa sa mga solusyon upang mapaunlad ang agham sa bansa ay ang pagtuturo nito gamit ang wikang Filipino.
“Umpisahan na natin ang paggamit ng wikang FIlipino — kahit na kumakapa — para kahit papaano, ma-develop, mai-improve.”
Giit ni Sevilla, na mahigit tatlong dekada nang nagtuturo ng agham sa wikang Filipino, walang batayan ang paniniwalang makaaapekto ito sa kasanayan ng mga estudyante sa Ingles at agham. Aniya, maraming bansang nangunguna sa agham — gaya ng Singapore, Japan, at Macau na nanguna sa pagsusuri ng PISA sa kakayahang pang-akademiko — ang hindi gumagamit ng Ingles bilang pangunahing wika sa pagtuturo.
“(May nagsasabing) ‘pag gumamit tayo ng Filipino, babagal daw ang pag-unlad natin sa agham. Nanghihinayang sila; mawawala raw ang galing natin sa Ingles at babagal ang progreso natin. Maraming nag-iisip nang ganyan.”
“May sagot naman kami. ‘Yong hindi marunong mag-Ingles, magagaling sa science. Hapon, German, mga hindi nagsasalita ng Ingles — magaling. Tayo, … magaling tayong mag-Ingles. … Baka mas gagaling tayo kung Filipino ang gagamitin (sa agham).”
Matagal nang isinusulong ni Sevilla ang paggamit ng Filipino sa agham, kabilang na noong panahon ng kanyang panunungkulan bilang dekano ng College of Science mula 2002 hanggang 2008.
“Ang maganda naman dito sa UST, walang nagpipigil na central admin na (nagsasabing), ‘Gamitin ang Ingles para gumaling ang mga estudyante sa Ingles.’ Ayong nga lang, hindi malinaw ang UST na suportado niya ang paggamit ng Filipino.”
Para naman kay Assoc. Prof. Wennielyn Fajilan, tagapangulo ng UST Sentro sa Salin at Araling Salin, ang paggamit ng Filipino sa agham ay hindi lamang magsusulong sa intelektuwalisasyon ng wika kundi pati na rin sa pagpapalawak ng kamulatang pang-agham ng mga mag-aaral.
“[Mas] magiging makabayan at panlahat ang wikang Filipino kapag ginagamit ito sa agham. Ang kamulatang pang-agham ay magiging mas praktikal, at hindi na ito magmumukhang banyagang ideya na kinatatakutan ng marami,” wika niya sa panayam sa Varsitarian.
Gaya ni Sevilla, naniniwala si Fajilan na hindi lamang para sa akademya ang agham kundi para rin sa mas malawak na komunidad. Iginiit niyang ginagawang mas “accessible” ng wikang Filipino ang agham sa mas maraming Pilipino.
“Kapag ginagamit natin ang wikang Filipino sa agham, siyempre mas madaling maaabot ang agham ng iba-ibang mga uri ng tao. Araw-araw kapag nag-uusap tayo, ito ‘yong wika natin, siyentipiko tayo mag-isip, napaka-accessible no’n.”
Dagdag pa ni Fajilan, mahalagang itaguyod ng bawat Tomasino ang pagpapalakas ng wikang Filipino, kasabay ng pagpapahalaga sa kasaysayan ng Unibersidad at ng bansa.
“Kapag may integrasyon ng wikang Filipino sa iba’t ibang larang, pinapalawak mo rin ang kakayahang maabot ng larang ang komunidad. Nagiging mas pambayan at makamasa ang paggamit, at mas demokratiko ang paghahatid ng kaalaman pang-agham,” aniya. Marigela Isabel R. Cirio at Marielle F. Pesa