(Dibuho ni Arlene F. Turla/ The Varsitarian)

SA GITNA ng mga kilos-protestang tumutuligsa sa anomalya sa mga flood control project ng pamahalaan nitong mga nagdaang buwan, higit pang umusbong ang pagdami ng malikhaing pamamaraan at pagpapahayag ng mga protestante. 

Kabilang sa mga plakard na bitbit ng mga nagprotesta ang mga may mapanlikhang banat tulad ng “Kaban ng bayan, ibalik. Baby, pahalik” at “Sawa na sa alipunga, tax ng ina!”

(Photos by Precious Kae A. Andaya and Djenhard Yreneo Raphael Y. Sapanhila/ The Varsitarian)

Gayundin, dumagsa ang mga nagprotestang nakasuot ng makukulay na kasuotan at ang mga pagtatanghal sa gitna ng kalsada na nagsisilbing biswal na salin ng galit at pag-asa ng mga mamamayan.

Isa sa mga umagaw ng pansin noong Set. 21 ay si Vim Nadera, premyadong makata at dating patnugot ng Varsitarian.

Nakabihis ito ng barong, reflective vest at hard hat na tila uniporme ng mga kontraktor, habang may nakasabit na inflatable na buwaya sa kaniyang likuran.

(Photos by Precious Kae A. Andaya and Djenhard Yreneo Raphael Y. Sapanhila/ The Varsitarian)

Para kay Nadera, tungkulin ng malikhaing protesta ang makaagaw ng pansin ng mga nasa kapangyarihan at igiit ang panawagan ng bayan.

“Nariyang sumigaw tayo para magising sila. Itinaas natin ang mga kamaong ibig pantayan ang tayog ng mga placard,” wika ni Nadera sa isang panayam ng Varsitarian.

Hindi ito ang una niyang paggamit ng costume sa protesta. Noong 2013, nang pumutok ang pork barrel scam, nagsuot siya ng itim na barong at maskarang baboy sa “Million People March” bilang simbolo sa laganap na katiwalian.

Nagdaos din ng performance art ang UP Repertory Company, kung saan nabalot ng putik ang mga kasapi habang umaarte sa kalsada.

“Tungkol ito sa direktang epekto ng palpak na flood control projects ng DPWH at ang walang kapatawarang isyu ng korapsyon sa ating gobyerno,” wika ni Seah Antalan, presidente ng UP Repertory Company, sa isang panayam ng Varsitarian.

Ani Antalan, nais nilang ilarawan ang buhay ng mga mamamayang naghihirap dahil sa pagpapakasasa ng mga tiwaling opisyal at mga kasabwat ng mga ito.

(Photo by UST Journalism Society)

Sining bilang wika ng paniningil

Para kay Nadera, hindi dapat nananatiling konsepto ang mga panawagan. Kailangang “kongkreto” ang imahe, wika, at anyo ng sining upang maunawaan ng publiko.

Binigyang-diin niya ang “kongkretisasyon” ng panawagan ng protesta, lalo na sa anyo ng tula.

Aniya, dito nakaugat ang malayang pagpapahayag ng isang makata at manunulat upang malinaw na maiparating sa publiko ang mensahe.

“Kongkretisasyon ang ugat ng lahat. Dapat walang bara ang tulay mula sa ideya patungong imahen,” wika niya. “Dapat maunawaan ang mensahe. Mahirap kung ang tula o tuluyan mo ay malabo. Kailangan ang tula o tuluyan mo ay malalim pero hindi nasa ilalim.”

Ipinayo niyang maging maingat sa puso’t isip: kapag malinaw sa manunulat ang ibig sabihin, malinaw din ang tatama nitong simbolismo sa publiko. Bilang makata at mandudula, pinaninindigan niya ang pananaw na “ang personal ay politikal.”

Paano ginagamit ang sining sa protesta?

Ayon kay Emerito Gonzales, miyembro ng UST Faculty Union, mahalagang instrumento sa pagtutol ang malikhaing protesta, lalo na para sa iba’t ibang sektor sa loob ng Unibersidad.

“Gusto nating iparating sa kanila na hindi tayo nananahimik at [ang] ating mga kapwa Tomasino ay lalong apektado rin talaga sa katiwalian,” aniya.

Hawak ang plakard na may nakasulat na “Katiwalian ang tunay na baha,” inilarawan niya ang tunay na panganib na hinaharap ng publiko.

“Okay lang [na] matiis mo ang baha ng tubig, pero ang katiwalian ‘yan talaga [ang] nakakalunod sa atin ngayon. Lunod na lunod na tayo. Tama na,” ibinahagi ni Gonzales sa Varsitarian

Para naman kay Jaycee Paguirigan, propesor mula sa Kolehiyo ng Agham, napapabilis ng “artistic” na mga plakard ang atensyon ng publiko at pagtulak ng mga solusyon.

Sa plakard na may nakasulat na “Hindi kami kukurap, ayaw namin sa kurap!” inihayag ni Paguirigan na mula ngayon ay hindi na sila muling pipikit sa anumang katiwalian ng gobyerno.

(Photo by UST Central Student Council)

“Gusto kong maramdaman nila na hindi tayo natutulog sa lahat ng ginagawa ng mga corrupt na officials sa community. Mas gusto nating ipaalam sa kanila na simula ngayon hinding hindi na tayo kukurap sa lahat ng mga corruption na gagawin pa nila in the future,” wika niya sa panayam ng Varsitarian.

Protesta noon at ngayon

Mapagpalaya at nakapagmumulat sa tunay na isyung kinakaharap ng lipunan ang sining, ayon kay Froilan Alipao, katuwang na propesor ng Departamento ng Sosyolohiya.

“Sa matagal na panahon ng protest movements, naging malaki talaga ang tungkulin ng lahat ng uri ng sining,” wika ni Alipao. 

(Photos by Precious Kae A. Andaya and Djenhard Yreneo Raphael Y. Sapanhila/ The Varsitarian)

Ibinahagi niya ang tradisyon ng mga “pintor ng bayan” na sabay-sabay nagpipinta sa pader hanggang mabuo ang isang malaking imahe.

“Sa tingin ng mga ayaw ng protesta, bandalismo ‘yon. Pero sa tingin ng protest movement, ito’y malayang pagpapahayag, na may protest ang nagaganap, may ibang tinig na nagsasalita laban doon sa nangingibabaw na isyu na pinaiikot ang mga makapangyarihan at mga trapo,” dagdag pa niya.

Para kay Alipao, nagiging tulay ang sining upang makita at maintindihan ng mas malawak na publiko ang balangkas ng lipunan at ang kritisismong nakapaloob sa protesta.

“Kailangan mo magkaroon ng paraan na makita ka, tignan ka. Kaya magiging susi ang pagiging malikhain [at pagsunod sa] kung anong napapanahon,” ani Alipao.

Dagdag pa niya, hindi na bago ang malikhaing pamamaraan ng pagpoprotesta dahil bahagi na ito ng kasaysayan mula pa noong panahon ng mga Katipunero at ng Hukbalahap, pati na rin sa tradisyon ng pagkanta ng kundiman sa mga baryo at kanayunan.

“Naiipon nila ‘yong mga tao na akala ay parang konserto lang, pero [mayroong] mga pagpapaliwanag ng mga isyu at saka pagkanta ng mga makabayang awitin na nakapag-pamulat sa maraming mga rehiyon, magsasaka, [at] manggagawa,” aniya.

Gayunpaman, may hamon aniya sa pagpapatuloy ng malikhaing protesta: dapat manatiling malinaw ang mensaheng ipinaglalaban, anuman ang anyo ng pagpapahayag.

Naniniwala siyang malaki ang papel ng sining sa pag-oorganisa ng iba’t ibang sektor at progresibong grupo.

“Dapat lumakas ang social movement kasi malaki ang gampanin ng protesta sa kasaysayan natin. Sa pagpoprotesta, napatalsik natin ang diktadurya,” wika niya. May ulat nina Lilah Mikaela S. Paredes at Jamiebeth P. Ortega

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.