KINILALA bilang pinakamahabang State of the Nation Address (SONA) ang talumpati ni Pangulong Marcos Jr. noong Hulyo 27. Ngunit sa kabila nito, nananatiling kapos pa rin ang tugon sa pinakamabibigat na kontrobersiyang kinakaharap ng bansa ngayon.
Mula sa mga hakbang sa ekonomiya at edukasyon hanggang sa mga programa para sa trabaho, enerhiya at imprastraktura, inilahad niya ang mga proyektong inilunsad ng administrasyon sa nakalipas na taon. Inilatag niya ang mga bagong programa at direksyong nais na ipagpatuloy sa nalalabing dalawang taon ng kanyang termino.
Subalit ang pagbanggit sa mga problema ay malayo sa paglutas ng mga ito.
Sa loob ng isang oras at 25 minuto, hindi kailangan ng bayan na marinig ang panibagong listahan ng mga proyektong umuusad ngunit mas makupad pa sa trapiko. Ang kailangan nito ay sagot—lalo’t higit ng pananagutan—para sa pinakamahalagang isyu na nararanasan nito.
Kabilang sa maiinit na usaping dapat na bahagi ng kanyang ikalimang SONA ang hinggil sa impeachment trial laban sa pangalawang pangulo na si Sara Duterte, na nakaugat sa korupsiyon, pagwaldas ng public funds, pagbali sa tiwala ng publiko, at culpable violation ng Konstitusiyon. Ilan sa mga paratang ang umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education, kung saan nagsilbi si Sara bilang kalihim noong 2022 hanggang 2024.
Hindi maipagkakaila na isa ito sa pinakamalalaking usaping pampolitika na kinakaharap ng bansa na direktang humahamon sa kredibilidad ng mga sangay at institusyon ng pamahalaan.
Hindi rin binigyang-pansin ni Marcos ang umuusad na kaso laban sa dating pangulo na si Rodrigo Duterte sa International Criminal Court para sa crimes against humanity na umiral noong kasagsagan ng kanyang kampanya kontro-droga. Dumarami ang mga maling impormasyon na kumakalat ukol sa kasong ito, lalo na sa kalusugan ng dating pangulo.
Subalit hindi rin lubusang maituturing na walang ipinahayag ang presidente tungkol sa mga umiigting na kontrobersya. Iginiit niya ang pangangailangang managot ng mga sangkot sa katiwalian.
Bagaman binanggit na patong-patong na kasong ihahain laban sa kanyang pinsan at dating House speaker na si Martin Romualdez, higit sanang ginamit ni Marcos ang kanyang ikalimang SONA upang isa-isahin ang mga tiwaling opisyal na sangkot sa maanomalyang flood-control project. Sa halip na manatili sa pangakong pananagutin ang mga sangkot, kailangan ng publiko ang malinaw na mga pangalan, ebidensiya at kongkretong hakbang upang matiyak na hindi mauuwi sa limot ang kontrobersyang nagbunga ng mga panawagan at malawakang protesta sa lansangan.
Noong kaniyang SONA noong 2025, mariing sinabi ni Marcos, “Mahiya naman kayo!” habang tinutuligsa ang mga bigong flood-control projects at ang mga opisyal na umano’y kumikita mula sa mga ito.
Ngunit higit pa sa panawagan ng hiya ang kailangan ng bansa.
Kung noon ay nanawagan ang pangulo ng kahihiyan, makalipas ang isang taon, dapat ay mayroon nang pananagutan. Walang saysay ang anumang pangako ng pagkilos kung hindi ito mauuwi sa aktuwal na imbestigasyon, pagsasampa ng kaso, at pagpapataw ng kaparusahan sa lahat ng mga mapatutunayang tiwaling opisyal.
Habang patuloy na lumulubog ang mga komunidad sa paulit-ulit na pagbaha, hindi na dapat pang malunod ang Pilipinas sa mga pangakong nananatili lamang sa salita. Hindi na hiya ang hinihingi ng bayan—kundi hustisya at pananagutan.
Binuksan din ni Marcos ang usapin hinggil sa “Pax Silica” o ang US-led initiative na mungkahing pagpapatayo ng mga AI industrial hub sa bansa. Binigyang-diin niya ang layunin nitong magbukas maraming oportunidad para sa mga Pilipino, lalo na sa paglikha ng trabaho at pagpapalakas ng ekonomiya.
Gayunpaman, hindi tinalakay ni Marcos ang mga epektong kaakibat ng Pax Silica, lalo na sa kapaligiran, kabilang na ang paggamit ng mga likas na yaman gaya ng nickel bilang kilala ang Pilipinas na pangalawa sa pinakamalaking producer ng nickel sa mundo. Posible rin sanang pagtuunan ng pansin ni Marcos ang malakas na pagkonsumo ng enerhiya at tubig para sa mga AI data center upang palamigin ang mga kagamitang nagpapatakbo rito.
Sa loob ng kanyang pinakamahabang talumpati, pinili ng pangulo na lunurin ang masa sa mga “false hope” at panakip-butas na pangakong hindi tumutugon sa tunay na problema ng bansa.
Hindi maipagkakailang nakakapagtaka kung bakit iniwasan ng pangulo ang mga usaping ito. Marahil ayaw niyang magbukas ito sa mas malalim na pagsusuri ukol sa kaniyang pamamahala.
Gayunpaman, responsibilidad niya bilang nakaupo sa puwesto ang makialam sa mga kontrobersiyang nagpaparami ng tanong ng masa.
Bilang pangulo ng bansa, hindi sapat na ilatag lamang niya ang mga proyekto at hakbang ng administrasyon habang patuloy na isinasantabi ang mga pagkukulang na nangangailangan mismo ng kanyang pansin.







