Naglabas ng screenshots mula sa isang group chat ng UST Growling Tigers at kanilang mga magulang ang dating kapitan ng koponan na si CJ Cansino, kung saan mababasa ang mga hinaing mg mga atleta sa mahirap umanong buhay sa tinaguriang “Sorsogon bubble.”

Ayon sa screenshots na kalaunan ay binura din ni Cansino sa kanyang Twitter account, nireklamo ng Tigers na mamantika at hindi masustansya ang pagkain nila doon.

Sa Sorsogon dinala ang koponan para magensayo noong Hunyo, ayon sa sources ng Varsitarian. Labag umano ito sa quarantine na ipinatutupad ng pamahalaan. Tubong Sorsogon ang head coach ng Tigers na si Aldin Ayo.

Daing din ng Tigers na hindi umano sila naalagaan nang mabuti kahit sila‘y nagkasakit.

Makikita sa screenshots ang mga hinaing nina Rhenz Abando, Soulemane Chabi-Yo, Paul Manalang, Ira Bataller, Brent Paraiso at Cansino hinggil sa mga karanasan nila sa Sorsogon.

“Nag-suggest naman po kami, kaso lagi nilang sinasabi sa amin na may budget daw, gan’on, kaya kung ano lang ‘yung kaya ng budget, ‘yun lang ‘yung mapo-provide nila,” saad ni Manalang.

“Nangako po sila na sila ang bahala sa amin, lahat ng kailangan namin, basta makakatulong sa’min, ipo-provide nila kaya sana pag nag-request kami ng food na gusto namin, i-provide nila and ‘wag nilang i-reason sa’min [ang budget],” dagdag pa niya.

Daing naman ni Abando, sarili lang nila ang kanilang inasahan sa mga panahong sila ay nagkasakit at nakaranas ng stress.

Lahad naman ni Chabi-Yo, hindi umano siya komportable at masaya sa sitwasyon sa Sorsogon.

Reklamo naman nina Cansino, Paraiso, Lina at Bataller ang hindi umano masustansyang pagkain, pati na ang pagod.

Matapos ilabas ni Cansino ang screenshots, naglabas ang Facebook page na “Growling Tigers of UST” ng mga larawan kung saan nakikitang kumakain ang Tigers ng samgyeopsal.

In light of the allegations of poor food quality conditions in the UST “bubble” training, we received from an anonymous…

Posted by The Growling Tigers of UST on Tuesday, August 25, 2020

Sa isang panayam sa Varsitarian, sinabi ni Cansino na nagpulong muna ang mga manlalaro bago niya binuo ang group chat.

“Di ako nakaisip niyan, [‘yong team] nakaisip niyan… Tinatanong ko din sila, e siyempre ako lang mag-umpisa kasi captain ako,” paliwanag niya.

Ayon kay Cansino, umabot sa pitong manlalaro ang nagbalak umalis sa Sorsogon matapos hindi dinggin ang kanilang mga pangangailangan.

Matapos ang pulong nitong Miyerkoles, nakatakdang magpulong muli ang UST, UAAP, Philippine Sports Commission, Games and Amusements Board, Commission on Higher Education at Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases sa susunod na Martes, ayon sa ulat ng Spin.ph. R.B.R. Fuertes, Jr.

LEAVE A REPLY