(Dibuho ni Jinmarson Chester V. Pua/ The Varsitarian)

HINAHABI ng “Sa Aking Mga Kamay” ni Nikko Miguel Garcia ang isang masinop at mapagnilay na koleksiyon ng mga tula na nakatuon sa iba’t ibang anyo at saysay ng paghawak.

Hindi nalilimitahan sa pisikal na kilos ang konsepto ng paghawak sa akda ni Garcia, sapagkat sinasalamin din nito ang pagkapit sa mga gunita, damdamin, at kapwa. 

Binubuo ng 15 tula ang aklat na sumusuyod sa mga karanasang pamilyar ngunit masalimuot: pananabik at pangungulila, paglikha at pagkawasak, pagyakap at pagbitaw, pagbabalik at paglisan. 

Kapansin-pansin ang payak ngunit masinsing wika ng aklat, na gumagamit ng paminsang pagpapalit mula wikang Filipino tungong Ingles bilang estilistikong estratehiya.

Si Garcia,  dating patnugot sa panitikan ng Varsitarian, ay hindi umaasa sa hayagang emosyon o labis na tayutay. Sa halip, pinaiigting niya ang damdamin sa pamamagitan ng piling detalye: ang pagtalikod, ang pagpigil sa pagbibigay ng promissory note, ang pag-aalinlangan kung paano muling magsisimula, at ang maingat na paggunita sa mga alaala.

Malinaw ang paggalaw ng koleksiyon mula sa mga intimate na karanasan patungo sa mas malawak na kontekstong panlipunan.

 

Sa tulang “Promissory Note,” inilalarawan ang palitang-kamay ng mga sobre at pakete, isang kilos na karaniwang iniuugnay sa pagpupuslit, pagbebenta, o pagbili ng ipinagbabawal na gamot na naglalantad ng tensiyon sa pagitan ng personal na pasya at panlipunang realidad.

May mga tulang nakaugat sa pribadong ugnayan, gaya ng “Sangangdaan.” Ngunit may mga sandali ring nagiging sagisag ang “mga kamay” ng paggawa, hirap, at kapangyarihang humuhubog sa buhay ng tao, gaya sa “Ano ang Maaari sa Loob ng Isang Segundo,” “Ang Mga Ipis,” at “Dapithapon sa El Nido.”

Hindi nananatiling sarado ang aklat sa sarili nitong emosyon. Lumalawak ito tungo sa mas masalimuot na larawan ng pagiging tao sa mundong may tensiyon at hindi pagkakapantay-pantay.

Bagaman hindi nakasandig sa ritmo, tugma, at sukat, nagtatagumpay ang “Sa Aking mga Kamay” sa paglalatag ng matalas na komentaryo sa mga suliraning karaniwang bumabalot sa pang-araw-araw na buhay.

Sa masining na paghahabi ng mga karanasang panlipunan, inaanyayahan ng koleksiyon ang mambabasa na pagnilayan ang mga paraan ng paghawak, pagpigil, at pagbitaw.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.