Tag: Agosto 19
Dating Olympian, naiuwi ang titulo sa Bolo Cup
NAKAMIT ng dating Olympian na si Jethro “The Jet” Dionisio ang kampeonato sa ika-12 Demetrio “Bolo” Tuason Cup na ginanap sa Arms Corporation of the Philippines shooting range sa Marikina noong Hulyo 12 hanggang 15.
Ang nasabing kompetisyon na itinakdang “Level 3” na laro ng International Practical Shooting Confederation at ng Philippine Practical Shooting Association ay nilahukan ng hindi bababa sa 500 na manlalaro. Mapapabilang ang mga nanalo sa Philippine Team na sasabak sa Australasia 2013 Championships sa New Zealand.
“Isa ang Bolo Cup sa mga pinakamahihirap na nasalihan ko, marami ang mga target na gumagalaw at ang aking mga kalaban ay kapuwa magagaling din,” ani Dionisio na nagtapos ng kursong Ekonomiko sa UST.
RP Frisbee team, ikapito sa World championships
NASUNGKIT ng pambansang koponan ng Pilipinas ang ikapitong puwesto sa Frisbee mixed division laban sa 15 bansang nagtagisan ng galing sa World Ultimate and Guts Championship ng World Flying Disc Federation na ginanap sa Sakai, Japan mula Hulyo 7 hanggang 14.
Pinataob ng Smart TV5 Pilipinas ang koponang mula sa France, 17-10.
“Sinamantala namin ang marami nilang pagkakamali sa pamamagitan ng pag-iskor sa aming goal,” ani Tin Garcia, ang pangulo at team captain ng España United, ang opisyal na Frisbee team ng UST.
Tinalo ng mixed team ng Pilipinas ang mga pangkat mula sa Russia (14-11), South Africa (17-3), at France (17-9), bago makarating sa quarterfinals kontra Germany, kung saan sila’y naungusan, 14-17, bunsod ng mahinang opensa.