TATLONG Tomasinong manunulat ang nahalal bilang miyembro ng bagong lupon ng Unyon ng Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) para sa terminong 2026-2029. Inaasahang mangunguna sila sa pagsusulong ng mga adbokasiya para sa panitikan at edukasyon.
Kabilang sa mga nahalal sina Victor Emmanuel Carmelo “Vim” Nadera Jr., dating punong patnugot ng Varsitarian, Paul Castillo na kawaning dalubguro ng panitikan at malikhaing pagsulat ng Unibersidad, at Roy Rene Cagalingan, senior language researcher sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na nagtapos sa programang marketing management sa UST.
Ayon kay Nadera, mahalagang maisulong ng UMPIL ang pagtaas ng suweldo ng mga manunulat at mapababa ang gastos sa paglalathala upang higit na mailapit ang panitikan sa masa.
“Kapag naluklok ka sa isang posisyon na may kakabit na kapangyarihan, ito ay isang anyo ng hindi lamang paniniwala kundi ng pagtitiwala,” ani Nadera ukol sa kaniyang pagbabalik sa kalupunan.
Nagsilbi siyang secretary general ng UMPIL noong 2001 hanggang 2007 at naging tagapangulo ng organisasyon noong 2007 hanggang 2010.
Para kay Castillo, isa sa mga pangunahing usaping dapat pagtuunan ng bagong lupon ang mungkahing rebisyon sa general education curriculum ng Commission on Higher Education (CHEd), na maaaring magbawas ng mga asignaturang humanidades.
“Sa ngayon, nararapat munang harapin ang inihahaing reframed general education courses ng CHEd na malaki ang magiging epekto sa mga mag-aaral sa kolehiyo,” wika niya sa panayam ng Varsitarian.
Dagdag ni Castillo, mahalagang magkaroon ng kinatawan ang UST sa UMPIL upang maiparating ang mga pangangailangan ng mga Tomasinong manunulat at mapalawak ang mga kolaborasyon.
Kabilang dito ang mga programang gaya ng Adrian Cristobal Lecture Series na pinangunahan ng UMPIL katuwang ang UST Center for Creative Writing and Literary Studies noong Pebrero.
Miyembro ng kalupunan ng UMPIL si Castillo mula pa noong 2023.
Binigyang-diin ni Cagalingan ang papel ng mga manunulat sa pakikilahok sa mga usaping pampolitika at panlipunan sa bansa.
“Ang [maging bahagi ng] unyon ay isang anyo ng pagsabak sa politika, kasi gusto nating magkaroon ng pagbabago,” aniya.
Dagdag pa ni Cagalingan, ang pakikipag-ugnayan sa mga batang manunulat sa iba’t ibang rehiyon ng Filipinas ang pangunahin niyang layunin bilang miyembro ng lupon.
“Kasama ang mga manunulat sa laban na ‘yon ng pagtataguyod ng makataong edukasyon [at] humanistikong edukasyon,” wika niya.
Mula sa dalawampung manunulat na nominado, labinlima ang hinirang na miyembro na bubuo sa kalupunan ng UMPIL na pinangasiwaan ng dating pangulo na si Michael Coroza.
Kabilang dito sina Romulo Baquiran Jr., Susan Lara, Clarissa Militante, Abner Dormiendo, Junley Lazaga, Jazmin Llana, Diandra Ditma Macarambon, Jimmuel Naval, Aldrin Pentero, Joey Tabula, John Iremil Teodoro, at John Enrico Torralba.
Idinaos ang halalan kasabay ng pagkilala sa mga nagkamit ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas sa Pambansang Kongreso ng mga Manunulat noong ika-25 ng Abril sa Unibersidad ng Pilipinas Baguio. Charlize Ann D. Lavastida







