BINIGYANG-DIIN ng pinuno ng mga Dominiko ang tungkulin ng edukasyong Katoliko na maging kanlungan ng katotohanan at sandigan ng ugnayang nakaugat sa pakikinig at pag-unawa, bilang isang solusyon sa malalang problema ng katiwalian sa pamahalaan.
Ayon kay P. Gerard Timoner III, O.P., Master of the Order of Preachers, dapat manatiling “kanlungan ng paghahanap, pagsasabi, at pamumuhay ng katotohanan” ang mga institusyong Katoliko.
“We need to constantly respond to the stark dissonance between centuries of Catholic education and a society marked by a culture of dishonesty and injustice,” ani Timoner sa ika-40 Fr. Antonio Gonzales Memorial Lecture ng Kolehiyo ng Edukasyon noong Nob. 27.
“If we give up the idea that we could make our Catholic universities and schools as sanctuaries, not just of truth-seeking, and I repeat this, but of truth-telling and truth-living, then we give up the bigger dream of eradicating corruption in our country,” dagdag pa niya.
Ayon kay Timoner, nakaugat sa pakikinig, pag-unawa, at presensya ang edukasyong may empathy, at higit na tumatatak sa mag-aaral ang “buhay na impluwensya” ng guro kaysa anumang aralin sa silid-aralan.
Bahagi ang programa ng pagdiriwang ng ika-100 anibersaryo ng kolehiyo na may temang “From Foundations to Futures: A Century of Excellence.”
Hamong pang-edukasyon
Ayon kay John Christian Valeroso, tagapangulo ng Department of Secondary Education, layunin ng Kolehiyo ng Edukasyon na ipakita ang pagtuturo bilang gawaing hindi kayang pasanin ng “teacher lang” o “estudyante lang,”
“It’s a team effort. Dapat lahat involved sa development noong estudyante,” wika ni Valeroso sa panayam ng Varsitarian.
Isa sa malaking hamon ng kolehiyo ay ang pagbaba ng bilang ng mga kumukuha ng edukasyon, dahilan kung bakit mahalaga ang mga programang nagbibigay-inspirasyon sa mga kabataang maging guro, aniya.
Para kay Lyrika Javier, third-year secondary education student at student director ng programa, ang pinakamatingkad na mensahe ng lektura ay ang pakikinig bilang pundasyon ng pagtuturo.Tinukoy ni Javier ang mababang pagtingin ng publiko sa propesyon bilang patuloy na hadlang sa pagdami ng mga gustong maging guro.
“Madali kasing sabihin ng iba na kapag teacher ka, ‘[teacher] lang’ daw. Pero sa totoo lang, napakarami nating ginagampanang tungkulin sa loob ng classroom. At kung wala ang mga guro, hindi rin magkakaroon ng mga propesyonal sa iba’t ibang larangan,” aniya.






