(Dibuho ni Regina Louise DLC. Sanota/ The Varsitarian)

PINAG-UUGNAY ng sikolohiya at panitikan kung paano nagiging daan ang pagsusulat upang maipahayag ang damdamin ng isang tao, ayon sa isang premyadong manunulat.

Binigyang-diin ni Victor Emmanuel Carmelo “Vim” Nadera, dating punong patnugot ng Varsitarian at UST psychology alumnus, ang kahalagahan ng pagpapalawak ng mental health literacy upang mas maunawaan ng publiko ang usapin ng “lusog-isip.”

“Medyo mahina kasi or mababa ang atensyon na binibigay sa lusog-isip o sa mental health,” wika ni Nadera sa isang lektura. “Gusto natin itaas ‘yong antas ng intindi nila sa lusog-isip o mental health dahil [ito] ay kasing halaga ng kalusugan ng katawan.”

Si Nadera ang tagapagtatag ng AWIT o Advising, Wellness, Instruction, and Talents Inc., isang programang naglalayong palawakin ang pananaliksik at capacity-building sa larangan ng mental health. 

Ayon sa kaniya, mahalaga ang iba’t ibang anyo ng sining bilang paraan ng pagpapahayag ng emosyon.

Expression. Dito pumapasok ‘yong halaga ng panitikan, pagsayaw, musika, sining, tiyatro, at kung ano-ano pa,” aniya. 

Ipinaliwanag din niya na maaaring magdulot ng mga suliranin sa kalusugang pangkaisipan ang kawalan ng pagkakataong mailahad ang sarili. 

Kapag hindi naipapahayag ang damdamin, maaari itong humantong sa mga negatibong emosyon o tinatawag na destructive emotions.

Sinabi ni Dina Nadera, isang psychologist at asawa ni Vim Nadera, na nagiging mas positibo ang pag-unawa ng publiko sa mental health kapag ginagamit ang terminong “lusog-isip,” sa halip na ang Ingles na mental health, na madalas iugnay sa mental illness.

Ibinahagi rin ni Guillermo “Ige” Ramos, chef, food writer at tagapagtatag ng Ugnayan Center for Filipino Gastronomy, na hindi lamang paglalarawan ng pagkain ang tungkulin ng isang manunulat.

“Like when I write about food, it’s not [about] description,” ani Ramos sa panayam ng Varsitarian. “It includes ‘yong function ng pagkain natin. Let’s say, may cultural function ba ito, may social function ba ito? Mayroon ba itong function for resistance, function of protest?”

Mahalagang maunawaan ng manunulat ang kontekstong panlipunan ng pagkain, lalo na’t ang kulturang Pilipino ay isang high-context culture, ani Ramos.

Dagdag pa niya, mahalaga rin ang wastong pagpili ng wika at ang biswal na presentasyon ng akda upang maipahayag ito nang malinaw sa target audience at merkado. 

“Just be open to different possibilities, open yourself to the different cultures, tapos halimbawa kung taga-Manila ka, huwag kang masyadong Manila-centric,” wika niya.

Pinamagatang “IllumiNasyon 2026: Panayam ng Tomasinong Manunulat!” ang lektura ay idinaos noong ika-13 ng Pebrero sa UST Central Auditorium.

Inorganisa ito ng UST MaKatha Circle bilang bahagi ng pagdiriwang ng Faculty of Arts and Letters Week. J.P. Ortega

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.