(Dibuho ni Arlene F. Turla/ The Varsitarian)

HINDI sapat ang mga letra upang katawanin ang tunog at kahulugan ng mga salita, ayon sa isang akademiko at guro ng wikang Filipino sa UST. 

Ayon kay Mark Anthony Angeles, instruktor at guro sa Filipino sa UST, mahalaga ang tuldik o accent marks bilang gabay sa tamang bigkas at malinaw na kahulugan ng mga salita, lalo na sa akademya at midya.

“May mga salita na mahaba ang pagkakabigkas, [at mayroon ding] maikli, na hindi [naipapahiwatig] ng mga letra lang, [kaya] kailangan ng mga tuldik para makita kung saan ‘yong maikli, at kung aling [pantig] ang pinapahaba,” wika niya sa isang panayam ng Varsitarian.

Paliwanag ni Angeles, bahagi ng mahabang tradisyon ng pagsulat sa Pilipinas ang paggamit ng tuldik, mula sa Baybayin hanggang sa mga diksyunaryo noong panahon ng mga Kastila.

​​Tinukoy niya ang Vocabulario de la lengua Tagala nina Padre Juan de Noceda at Padre Pedro de Sanlucar, kung saan lumitaw ang sistematikong paggamit ng tuldik sa mga sumunod na edisyon noong panahon ng kolonyalismo.

Halimbawa nito ang letrang /ba/ sa Baybayin: kapag nilagyan ng tuldik sa itaas, nawawala ang tunog na /a/ upang maging /i/ o /e/; kapag tuldik naman sa ibaba, nagiging /o/ o /u/. Ayon kay Angeles, patunay ito na matagal nang bahagi ng lokal na sistema ng pagsulat ang pagmamarka sa tunog at kahulugan.

Bukod sa mga karaniwang tuldik gaya ng pahilis, paiwa at pakupya, binanggit din ni Angeles ang patuldok o diaeresis (ë) para sa schwa sound na umiiral sa ilang wika tulad ng Pangasinan, Ilokano at Maranaw, na aniya’y nagpapakitang hindi iisang tuntunin ang akma sa lahat ng komunidad lingguwistiko sa bansa.

Ani Angeles, hindi kailangang “tadtarin” ng tuldik ang bawat teksto, ngunit dapat itong gamitin kapag may panganib ng kalituhan. 

Nagbigay rin siya ng mga halimbawa kung paanong nagiging mapanlinlang ang kawalan o maling paggamit ng tuldik sa pang-araw-araw na espasyo, mula sa pamagat ng pelikulang “Kita Kita” at ang kaso ng “paa” sa Mang Inasal na maaaring mabasa bilang paa o “chicken feet,” kahit ang tinutukoy sa ilang wika gaya ng Hiligaynon ay “páa” o hita.

Para kay Angeles, hindi lamang gabay sa pagbabasa ang tuldik kundi maaari ring anyo ng paggigiit ng identidad at sariling pagpapasya ng mga lingguwistikong komunidad.

Kaugnay nito, ibinahagi niya ang panukalang pagpapatupad ng UST Department of Creative Writing ng kursong tumatalakay sa advanced grammar, na tutuon sa wastong gramatika, bantas, baybay at paggamit ng diacritical marks sa parehong wikang Ingles at Filipino.

Bagaman hindi pa ito pormal na inaprubahan, nasa proseso na ang departamento para sa preparasyon at implementasyon ng bagong kurso para sa taong akademiko 2026 hanggang 2027, ayon sa tagapangulong Joselito delos Reyes. 

Ayon naman kay Prop. Ernesto Carandang II ng De La Salle University, bagama’t mahalaga ang tuldik sa teorya, nananatiling hamon ang malawakang pagpapatupad nito sa pagsusulat.

“Maaaring hindi [nagagamit ang tuldik] sa karaniwang pagsulat ng mga teksto dahil hindi naman ito naipatutupad at pormal na napag-aaralan,” aniya.

Dagdag pa ni Carandang, isang alumnus at dating patnugot sa Varsitarian, ang kakulangan ng pag-aaral nito sa pormal na edukasyon ay isang sanhi kung bakit “optional” ang paggamit ng tuldik.

Ang kawalan ng sistematikong pagtuturo hinggil sa tuldik sa mga paaralan at institusyon ay lalong nagpapabigat sa pag-asa sa konteksto para malaman ang kahulugan ng salita.

Aniya, ang pagtuturo ng tuldik “ay isang uri ng pagbibigay ng halaga at pagpapayaman ng ating wika.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.