BILANG unang aklat sa “Archivo Series,” itinampok ng UST Publishing House at Archivo de la Unibersidad de Santo Tomas ang salin sa Ingles ng isang libro tungkol sa Hiligaynon, ang wika sa Panay at Negros.
Ito ay ang “The Art of the Visayan-Hiligaino Language As Spoken in Panay and Some Adjacent Islands,” orihinal na isinulat sa Espanyol ng unang obispo ng Diyosesis ng Jaro na si Mariano Cuartero, O.P.
Una itong inilathala noong 1878 at pinamagatang “Arte de la Lengua Bisaya – Hiligayna de la Isla de Panay.”
Ayon kay Alice Sun-Cua, mahalaga ang salin para sa mga iskolar at lingguwista dahil naitatala nito ang anyo ng Hiligaynon noong ika-19 na siglo.
“In this way, they can speak good Hiligaynon so that they can preach in the local language to reach the hearts and minds of the population,” ani Cua sa panayam ng Varsitarian.
Dagdag ni Cua, bagaman nagbago ang Hiligaynon sa paglipas ng panahon, nananatiling mahalaga ang masusing pagtalakay ni Cuartero sa mga tuntunin ng wika, kabilang ang mga panlapi, panahunan, at iba pang estrukturang panggramatika.
“Readers of this book, especially scholars, will find it helpful in knowing how the Hiligaynon language was spoken during that time, as Hiligaynon had evolved,” aniya.
Tampok sa bagong bersyon ang panimulang sulat ni Fr. Gaspar Sigaya, O.P. na arkibista ng Unibersidad.
Nagsilbing patnugot ang yumaong mamamahayag at propesor sa communication na si Jenny Ortuoste, bahagi ng kaniyang pananaliksik sa UST Research Center for Culture, Arts, and the Humanities.
Nagbigay ng pambungad na pananalita si Fr. Louie Coronel, O.P., secretary general ng UST at propesor sa kasaysayan ng Simbahan.
“This book is not only about language. It is about [a] mission. It is about the Church learning the language of the people, and the people whose language carries dignity, memory, and faith.”.
“This is one of the quiet graces of an archive. We inherit not dead papers, but living memory,” dagdag pa niya.
Bilang bahagi ng programa, ibinahagi ni Fr. Ramon Claro Mendez, O.P., dating rektor ng UST Legazpi, ang talambuhay ni Cuartero na naging obispo ng Jaro noong Abril 25, 1868.
Idinaos ang lunsad-aklat sa Miguel de Benavides Library Conference Hall noong ika-25 ng Abril.







