Usapang USTe: Ang Departamento ng Filipino sa UST sa nakalipas na panahon 

0
32

BAGO tuluyang umusbong ang Departamento ng Filipino sa UST, may ilang taon din itong hindi napagtuunan ng pansin.

Sa artikulo ng Varsitarian na inilabas noong ika-31 ng Agosto 2000, “Wikang Filipino, patuloy na naluluoy sa UST,” iminungkahi na ibalik ang Departamento ng Filipino sapagkat naging sanhi ito ng paglisan ng mga manunulat at eksperto sa panitikan.

Pinagsama ang mga wikang Ingles, Espanyol, at Filipino sa ilalim ng Department of Language noong 1979 upang makatipid.

Itinatag ng manunulat at lingguwistiko na si Jose Villa Panganiban, tagapagtatag din ng Varsitarian, ang Kagawaran ng Tagalog noong 1938 sa Unibersidad.

Noong 1967, kinilala ito bilang Kagawaran ng Pilipino.

Ayon sa noo’y tagapangulo ng Department of Language na si Johanna Hashim, ang laganap na paggamit ng “Taglish” at “Engalog” ay nakaapekto sa kalidad ng wika at ang setup ng pinag-isang departamento na nakaangkla sa globalization trend.

Lumiham si Hashim sa patnugot ng Varsitarian. Mariin niyang tinutulan  ang artikulo at humingi ng kapatawaran sa publikasyon. 

Pagtuntong ng 2000s, tuluyang nagkaroon ng Departamento ng Filipino at inilagak ito sa Kolehiyo ng Edukasyon. Dan Cedric V. Latasa

TOMASINO SIYA

Ang pamana ni Norberto Romualdez sa wika, batas

Mambabatas at dalubwika na si Norberto Romualdez. (Dibuho ni Allana Elaine J. Libunao/ The Varsitarian)

HINDI lamang mga batas ang pinanday ng mambabatas at dalubwika na si Norberto Romualdez, kundi maging ang mga ambag sa pag-aaral at pagpapaunlad ng mga katutubong wika sa bansa.

Bunga ng kanyang mga pananaliksik at akda, kinikilala si Romuáldez bilang tagapagtatag ng modernong lingguwistika sa Filipinas.

Siya ang may-akda ng “Bisayan Grammar and Notes on Bisayan Rhetoric and Poetic and Filipino Dialectology,” isang aklat na nagsusuri sa gramatika at retorika ng mga wikang katutubo na nailimbag noong 1908.

Inilathala ni Romualdez ang “Philippine Orthography,” na tumatalakay sa isang sistema ng pagsulat para sa mga katutubong wika sa bansa. 

Katulong ang kapuwa Tomasinong manunulat na si Ignacio Villamor, isinagawa nila ang kauna-unahang pananaliksik hinggil sa mga dokumentong Baybayin na nasa pangangalaga ng UST noong 1918. 

Binuo niya ang batas para sa pagtatatag ng Surian ng Wikang Pambansa na kilala sa kasalukuyan bilang Komisyon sa Wikang Filipino.

Naging tagapangulo rin si Romualdez ng Committee on National Language. 

Kabilang sa mga dulang kaniyang naisulat ang “An Pagtabang ni San Miguel,” (1899) “An Anak han Manaranggot,”  (1921) at mga lektura gaya ng “The Psychology of the Filipino” (1925) at “Filipino Musical Instruments and Airs of Long Ago” (1931).

Bago nagsimula ang Himagsikang Pilipino, natanggap niya mula sa UST ang titulong Maestro de Segunda Enseñanza, para makapagturo. 

Matapos mahinto ang kaniyang pag-aaral dahil sa rebolusyon, natapos niya ang kursong abogasiya at pumasa sa Philippine Bar Examinations noong 1903.

Nagsilbi siyang mahistrado ng Korte Suprema noong 1921. 

Isa si Romualdez sa tinaguriang “Seven Wise Men” na bumalangkas sa pagbuo ng Saligang Batas noong 1935. 

Nagturo siya sa Unibersidad mula noong 1895 hanggang sa kaniyang pagpanaw noong 1941. James Maverick R. Talavera

TOMASALITAAN

kan•dí•li: pangngalan

Kahulugan: Pagkupkop o pangangalaga sa mga nangangailangan ng tulong.

Halimbawa: Namumukod-tangi ang kandíli ni Nuel sa mga asong lansangan.

Sanggunian: 

  • KWF Diksiyonaryo ng Wikang Filipino 
  • “Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles” ni Jose Villa Panganiban

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.