NAGSIMULA ang edukasyong legal sa Unibersidad noong 1734 sa pagkakatalaga kay Fr. Juan de Arechederra bilang unang propesor ng Faculty of Canon Law, na sinundan ng pagtatatag ng Facultad de Derecho Civil o Faculty of Civil Law noong 1735.

Ayon sa aklat ni Fr. Fidel Villarroel na “A History of the University of Santo Tomas: Four Centuries of Higher Education in the Philippines (1611–2011),” si Joaquín de Castañeda ang unang propesor ng Faculty of Civil Law.

Nagsilbing rektor ng UST si Arechederra bago tumayong gobernador heneral ng Filipinas mula 1745 hanggang 1750.

Si Joaquín de Bustamante ang unang nagtapos sa Faculty of Canon Law noong 1740, habang si Castañeda naman ang unang nagtapos sa Faculty of Civil Law noong 1741.

Bagaman hindi pa nakapagtatapos ng pag-aaral sa batas, nagsimula nang magturo si Castañeda sa Faculty of Civil Law noong 1735.

Noong Nob. 8, 1735, humarap si Castañeda kay Arechederra upang iprisinta ang kaniyang royal cedula na nagtatalaga sa kaniya bilang propesor.

Bago siya pormal na hirangin, pinagawa muna ni Arechederra kay Castañeda ang profession of faith.

Nakamit ni Castañeda ang Licentiate in Law noong 1741 matapos sumailalim sa Noche Triste o “Sad Night,” isang rituwal na bahagi ng proseso upang makamit ang degree sa Unibersidad.

Bilang bahagi ng rituwal, kailangang sumailalim ang mga magtatapos sa pagsusulit bago i-defend ang kanilang tesis sa harap ng rektor at iba pang propesor ng Unibersidad. Kabilang sa mga aktibidad nito ang pagbibigay ng dalawang panayam at isang talumpati sa loob ng simbahan.

Tatlong taon matapos maitatag ang dalawang pakultad, inilimbag ng UST ang “Institutes” ni Emperador Justinian, na nagsilbing sanggunian sa pagtuturo ng Civil Law at sa pagpili ng mga paksa para sa Noche Triste.

Noong 1747, naging professorial chair holder ng Faculty of Civil Law si Domingo Ignacio de Sanz Arenas matapos manalo sa pagsusulit na pinangasiwaan ng Royal Audiencia, ang katumbas ng Korte Suprema sa kasalukuyan.

Makalipas ang isang taon, nakamit ni Sanz Arenas ang titulong Doctor of Civil Law, kaya siya ang kauna-unahang Tomasinong nagkamit ng nasabing degree.

Mga sanggunian:

 

TOMASINO SIYA

Tomasinong madre, katuwang ng medisina at relihiyon

PINATUNAYAN ng isang Tomasino na ang paglilingkod sa Diyos ay hindi lamang nasusukat sa pananampalataya, kundi naipamamalas din sa paglilingkod sa kapuwa sa pamamagitan ng kalusugan at edukasyon. 

Bago sumapi sa kongregasyon ng  Religious of the Virgin Mary, nagsilbing quality control analyst sa isang pharmaceutical company si Sr. Maria Marissa Viri kasunod ng pagtatapos ng kursong pharmacy sa Unibersidad.

Sa loob ng apat na dekadang paglilingkod sa kongregasyon, pinalawak ni Viri ang kanyang bokasyon sa pagtupad sa iba’t ibang tungkulin sa mga institusyong pang-akademiko. 

Noong 2020 hanggang 2023, nanungkulan si Viri bilang pangulo ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP). 

Si Viri ang kauna-unahang babaeng nahalal bilang pangulo ng CEAP na kumakatawan sa mahigit 1,500 na katolikong paaralan sa bansa.

Kasalukuyan siyang presidente ng University of the Immaculate Conception sa Davao City at miyembro ng board sa Philippine Accrediting Association of Schools, Colleges, and Universities. 

Noong 2024, isa si Viri sa mga ginawaran ng The Outstanding Thomasian Alumni Award sa kategoryang Health Allied, bilang pagkilala sa kanyang mga ambag bilang lisensyadong parmasyutiko at sa kanyang papel sa pagtatatag ng mga laboratoryong pampananaliksik para sa mga mag-aaral.

Parehong tinapos ni Viri ang kaniyang bachelor’s at master’s degree in pharmacy sa Unibersidad.

Mga sanggunian:

 

TOMASALITAAN

ta•ni•ka•lâ

pangngalan

Kahulugan: Tumutukoy sa maraming kawil na yarì sa metal na pinagkabit-kabit. Tumutukoy rin sa anumang binubuo ng mga magkakasunod at magkakabit na bagay.

Halimbawa: Itinali ni Dan ang kanyang bisikleta gamit ang tanikalâ upang hindi ito manakaw. 

Sanggunian: 

  • KWF Diksiyonaryo ng Wikang Filipino 
  • “Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles” ni Jose Villa Panganiban

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.