SA pagdiriwang ng ika-100 taon ng Kolehiyo ng Edukasyon, binigyang-diin ni Dekana Pilar Romero ang mahalagang papel ng kolehiyo bilang “bastion” o moog ng Katolikong edukasyon sa bansa.

Para kay Romero, hindi lamang para sa mga guro ng relihiyon o teolohiya ang gawain ng kolehiyo, kundi para rin sa lahat ng guro na magtuturo ng pagpapahalaga at prinsipyong nakaugat sa aral ng Simbahang Katolika.

“The vision of the College of Education then is not only to form religious teachers, not to form theology teachers, but to form every teacher who will be engaged in teaching students about the values of the Catholic faith,” paliwanag ni Romero sa isang talakayan na bahagi ng paglulunsad ng ika-100 taong anibersaryo ng kolehiyo.

Dagdag pa niya, nananatiling matatag ang ugnayan ng kolehiyo sa Katolisismo dahil sa matagal nang paninindigan ng mga guro na ipagpatuloy at palawigin ang edukasyong nakabatay sa pananampalataya.

Sa kabila ng mga pagsubok kabilang na ang pagbaba ng enrollees at matinding kompetisyon mula sa mga pampublikong unibersidad, patuloy ang kolehiyo sa paglilingkod, ani Romero.

Naging pangunahing kinatawan si Romero sa pagpapatibay ng ugnayan ng kolehiyo at Simbahan, gayundin sa pagpapanatili ng pamantayan ng moralidad at pananampalataya sa bawat aspekto ng pagtuturo.

Sa paglulunsad ng sentenaryo, tampok din ang diskurso hinggil sa kasaysayan ng kolehiyo Symon Lagao, at presentasyon ni Asst. Prof. Louie Dasas, ang katuwang na dekano, tungkol sa mga plano ng kolehiyo para sa susunod na siglo.

“Our celebration really is because we have managed to do the best that we can in order to fulfill the vision that they have set for our university,” wika ni Romero. 

Itinatag ang Kolehiyo ng Edukasyon noong Hunyo 18, 1926, alinsunod sa utos ng Papa Pio XI.

Para kay Romero, na magreretiro ngayong taon matapos ang 44 na taong serbisyo, ang pagdiriwang ng sentenaryo ay hindi lamang pagbabalik-tanaw, kundi pagpapatibay sa bisyon ng mga nauna.

“We will never waver in our commitment to form Catholic educators, Catholic library and information specialists, Catholic nutritionists and dieticians, Catholic food technologists,” ani Romero. May ulat ni Marielle F. Pesa

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.