Oct. 28 2016, 9:43 p.m. – NAPILING kalahok sa ika-33 na National Book Awards ang mga akda nina Michael Coroza at Edgardo Maranan bilang dalawa sa pinakamahuhusay na aklat ng pagsasalin sa Filipino ng mga banyagang katha.

Pinamagatang “Ang Rebolusyong Filipino” ang likha ni Coroza, dalubguro sa Paaralang Graduwado ng Unibersidad. Pagsasalin ito ng “La Revolucion Filipina” ni Apolinario Mabini na inilathala noong 1931 sa wikang Espanyol bilang pagsasalaysay ng himagsikan.

“Pitong Gulod pa ang Layo at Iba pang Kuwento” naman ang nominadong katha ni Edgardo Maranan, dating dalubguro sa Unibersidad, na pagsasalin sa Filipino ng “Seven Hills Away and Other Stories” ni NVM Gonzalez.

Katuwang ang Manila Critics Circle, idinaraos ang National Book Awards sa hangarin nitong patuloy na kilalanin at gawaran ang mga natatanging akda ng mga manunulat mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Isa ito sa mga pinakaprestihiyosong gawad sa mga manunulat na itinataguyod ng Pambansang Lupon para sa Pagpapaunlad ng Aklat.

Sa taong ito, kikilalanin ang mga nagwagi sa timpalak sa ika-26 ng Nobyembre sa Pambansang Museo sa Maynila.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.