Mga orkestra ng UST at ABS-CBN, nagsanib sa konsiyerto

0
2049
Pinangunahan ni Gerard Salonga ang pagkumpas sa konsiyerto ng UST Symphony Orchestra at ABS-CBN Philharmonic Orchestra noong ika-30 ng Agosto sa parokya ng Santisimo Rosario. (Kuha ni Hazel Grace S. Posadas/The Varsitarian)

ISANG pagtatanghal ang isinagawa ng UST Symphony Orchestra (USTSO) kasama ang ABS-CBN Philharmonic Orchestra (ABS-CBN PO) sa “Ugnayan sa Tugtugan,” isang konsiyerto na ginanap sa parokya ng Santisimo Rosario sa Unibersidad noong ika-30 ng Agosto.

Laking galak ni Prop. Herminigildo Ranera, kunduktor ng USTSO at orihinal na tagalikha ng “Ugnayan sa Tugtugan” ang pagtagpo ng dalawang orkestra sapagkat siya ang humubog sa karamihan ng mga miyembro nito.

Mahigit apat na linggong nag-ensayo ang dalawang grupo sa recital hall ng Conservatory of Music upang mapaunlakan ang iskedyul ng mga estudyante.

Si Ranera ay nakapagpamahala na ng ilang mga hindi malilimutang kolaborasiyo n sa pagitan ng USTSO at mga grupo katulad ng UP Symphony Orchestra at San Beda College Alabang Symphony Orchestra sa mga nagdaang-taon, ngunit ngayon lamang nito naugnay ang USTSO sa isang tunay na propesyonal na orkestra na katulad ng ABS-CBN PO.

Binigyang diin ni Ranera, na pangunahing kunduktor din ng Philippine Philharmonic Orchestra (PPO), kung gaano katangi-tangi ang pagkakataon na ito para sa mga mag-aaral ng Musika.

“Ito ay talagang naiiba sa unang tatlong Ugnayan sa Tugtugan, kasi pare-pareho silang estudyante noon,” ani Ranera sa isang panayam sa Varsitarian.

Ang nasabing konsiyerto ay ang kauna-unahang pagtatanghal kung saan magkapanabay na tinampok ang dalawang orkestra sa buong palabas, sa halip ng kaniya-kaniyang bahagi ng programa lamang.

“Sa ganitong pakikipagtulungan kasama ang mga propesyonal, matututunan nila ang mga mas sopistikado pang paraan ng pagtugtog, pati kung paano tumugtog sa ilalim ng isa pang konduktor maliban sa akin,” ani Ranera. Unang itinaguyod ni Gerard Salonga, isang respetadong pangalan sa larangan ng teatro at isang maalamat na pigura sa industriya ng musika sa Filipinas, ang kolaborasiyon sa mga opisyal ng Music bilang paraan sa ABS-CBN PO na makatulong sa lokal na komunidad ng musika.

“Naramdaman ko na nakarating na ako sa isang posisyon kung saan makakapagbigay ako ng sapat na kaalaman sa nakababatang henerasyon ng mga musikero,” dadag pa niya.

Hindi lamang USTSO ang pinapag-ugnayan ni Salonga para sa adbokasiya niyang itaguyod ang susunod na henerasiyon ng mga musikero. Pinaplano na nitong magtanghal ang ABS-CBN PO kasama ang iba pang konserbatoryo matapos ang “Ugnayan sa Tugtugan” sa ika-30. Nais din nitong gawing taunan ang pakikipagtulungan sa USTSO.

Nilayon nina Ranera at Salonga na maging isang pagdiriwang ng buhay estudyante ang pagtatanghal.

Ang mga tanyag na aria na katulad ng “L’elisir d’amore” ni Gaetano Donizetti at “The Magic Flute Overture” ni Wolfgang Amadeus Mozart ang inawit ng mga estudyante ng Musika na sina Nerissa de Juan at Francisco de Guzman, Jr. Nag-alay din ng isang duet ang dalawa ng “La bohème” ng Italiyanong kompositor na si Giacomo Puccini.

Si Denise See, na naging valedictorian ng kolehiyo sa nakaraang taong akademiko, ay tutugtog naman ng piano solo ng “Concerto No. 2” ni Sergei Rachmaninoff sa ilalim ng gabilya ni Salonga.

Itinanghal din ang mga tanyag na klasikal na piyesa katulad ng “Academic Festival Overture” ni Johannes Brahms, “Jota” ng Espanyol na kompositor na si Manuel de Falla mula sa musikal na pagbagay nito ng “Three-Cornered Hat” at “Nabucco Overture” ni Giuseppe Verdi sa ilalim ng direksyon nila Salonga at Ranera.

Ayon kay Andrew Constantino, isang senior sa Music at lead clarinetist ng USTSO, malaki ang kahalagahan ng oportunidad na ito para sa kaniyang orkestra.

“Pakiramdam ko tuwing nag-eensayo kami ay nagtatrabaho na ako sa isang propesyonal na orkestra,” kuwento ni Constantino sa Varsitarian.

Pinuri rin ni Constantino si Salonga bilang isang mahusay na artista na may malawak na kaalaman sa bawat piyesang kaniyang kinukundukto.

Susunod na magtatanghal ang USTSO sa Cultural Center of the Philippines sa ika-21 ng Oktubre. Ang palabas ay magtatampok ng ilang miyembro ng faculty ng Music, kabilang sina Prop. Ma. Ana Espina, isang piyanista at si Melchora Medina-Perez, isang biyolinista at concertmaster ng Manila Symphony Orchestra.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.