Dibuho ni Matthew Niel J. HebronaHINDI lamang sa karagatan natatagpuan ang mga sirena. At lalong hindi sila eksklusibo lamang sa matatandang mitolohiya ng mga Griyego at Romano. Huwag akalaing sila’y bunga lamang ng mayamang guniguni ng tao noon at ngayon. Huwag silang habang buhay ibilanggo sa mga naninilaw na pahina ng mga kuwentong kutsero. Gabi-gabi, lalo na sa tuwing kabilugan ng buwan, sila’y pangkat-pangkat na umaahon sa dagat, ilog, at batis. Naglalahong kusa ang mga buntot nila habang nangangalaglag ang makukulay na kaliskis. Sila’y nakapaa’t sinusuyod ang sementadong dalampasigang hinihimod ng naglalagablag na pagnanasa. Malamlam ang mga mata nilang naghahanap ng kanlungang mapaglalagakan ng katauhang lupaypay. Tinig nila’y malambing. Awit nila’y mapanghalinang tulad ng mga along hinaharot ng hangin. Pagsamo nila’y puno ng magkahalong daing at hiling sa kandungan ng mapag-ampong dilim. Sa magdamag na paghahari ng karimlan, walang kapaguran silang nagtatampisaw, lumalangoy at sumisisid sa dagat-dagatan ng panandaliang aliw upang maghanap ng kakaibang lamang dagat.

May kamandag ang bukang liwayway na pumaparalisa sa ligayang pinagbuwisan ng dangal sa buong magdamag. Sa dagat ng kapaitan sila’y muling magbabalik ng may himutok at paghihimagsik sa puso habang walang sawang nangangarap na sana’y makatagpo ng mangingisdang magbibilanggo sa kanila sa marupok na lambat ng pagmamahal.

*Si G. Elmer Hibek ay isang propesor mula sa Kolehiyo ng Narsing. Nagtuturo siya ng Introduction to Literary Types at Filipino Literature in English sa mga mag-aaral na nasa ikatlong taon.

READ
UST promotes Taize

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.