SA PAGBUBUKAS ng Cinemalaya Film Festival ngayong taon, ipinalabas sa unang pagkakataon sa Pilipinas ang pelikulang pinamagatang Foster Child. Sa direksyon ng Tomasinong direktor na si Brillante Mendoza, ibinabahagi ng pelikulang ito ang busilak na pag-ibig ng isang ina pagtugon ng isang pamilyang Pilipino sa mga suliranin ng panlipunan tulad ng kahirapan.

 

“Gusto nating patunayang mga Pilipino na maraming mahahalagang bagay na natututunan sa kabila ng pagiging mahirap,” sabi ni Mendoza.

Sa Foster Child, ginampanan ni Cherie Pie Picache ang karakter na si Thelma, isang mapag-arugang ina na pansamantalang nag-aalaga sa mga ulilang bata ng isang bahay-ampunan. Umiikot kay Thelma at John-John (Kier Segundo), isa sa mga batang kanyang inalagaan, ang mga pangyayari sa pelikula. Ipinamamalas ng pelikula ang walang kapantay na pag-aaruga ni Thelma sa musmos pati na ang pighati nito matapos mawalay sa isa’t-isa.

Mahusay ang pagganap ng mga aktor sa Foster Child sa pagbibigay ng makatotohanang pagganap sa mga tauhan ng kuwento. Magaling na nagampanan ni Picache ang kanyang papel bilang isang ina na mas lalo pang pinaantig ng tambalan nila ni Segundo bilang kanyang ampon sa pelíkula.

Bagaman malinis ang pagkakahabi ng mga eksena, hindi naman epektibo ang tunog ng Foster Child. Malabo ang pagkakalapat ng mga tunog lalo’t higit na sa mga dayalogo ng mga tauhan.

Sa kabila ng mga ito, angkop naman ang pagdaloy ng mga eksena na naging bentahe ng pelikulang ito. Isa ito sa mga dahilan kung bakit malugod na tinanggap ang Foster Child sa prestihiyosong Cannes Film Festival sa Pransya kung saan ito ay unang ipinalabas noong Director’s Fortnight ng nasabing pagdiriwang. Juanito Alipio A. de la Rosa at Maria Aurora F. Mon

READ
Mining act ng 1995, kinalaban

1 COMMENT

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.