POPULAR ngayon ang digital animation na dulot ng patuloy na pag-unlad ng teknolohiya na tumutulong sa pagpapataas ng kalidad ng mga cartoons.

Dahil dito, maraming Pilipino ang pumasok sa larangang ito. Ngunit dahil sa kakulangan ng suporta, nahihirapan ang mga Pinoy artists na payabungin ang talento sa sariling bayan, dahilan upang sila ay mangibang bansa at maghanap ng mas magandang oportunidad. Ilan sa mga ito ay mga Tomasinong sina Joe Mateo na lumikha ng T-Rex sa pelikulang Meet the Robinsons at Virginia Cruz Santos na isang tanyag na animator ng Pixar.

Sa pagsunod sa tagumpay nina Mateo at Santos sa digital animation, isang grupo ng mga kabataan ang muling nagtatangkang pasukin ang sining na ito. Bitbit ang munti nilang pangarap at tiwala sa sarili, nagtayo ang mga gradweyt ng De La Salle University na sina Benedict Carandang at Ramon del Prado ng sariling animation studio, ang Tuldok Animation Studios (TAS). Para sa kanila, panahon na para ipakita ng Pilipino sa mundo ang galling sa sining at teknolohiya ng makabagong pagguhit.

“Kung hindi pa natin sisimulan ito ngayon, maaaring mapag-iwanan na tayo sa mga susunod na taon,” pahayag ni Carandang.

Mga munting pangarap

Taong 2005 ng magsimula ang TAS. Gamit ang suporta at tulong ng National Commission for Cuture and Arts (NCCA), at Cultural Center of the Philippines (CCP), layunin ng TAS ang makalikha ng iba’t-ibang makukulay na karakter na batay sa kulturang Pinoy.

Noong Hulyo 17, ipinalabas ng TAS ang kanilang kauna-unahang 2D-animated short film na pinamagatang Libingan sa CCP Little Theatre.

READ
Industrial Design students tackle board games

Isang 15-minutong maikling pelikula ang Libingan na idinerehe rin ni del Prado.

Ito ay isang kuwento ng isang pitong taong gulang na bata na nagngangalang Ana na dinala ng kanyang nanay sa probinsya. Dahil naninibago sa baryo, maraming pagsubok ang hinarap ni Ana, at kabilang na rito ang kanyang paghahanap sa kanyang cellphone sa kadiliman ng gubat. Sa halip na pangunahan ng takot, ipinakita ni Ana ang katapangan at tiwala sa sarili. Hindi niya isinuko ang paghahanap sa cellphone kahit nang matakot siya sa kapre. Sa halip, kinaibigan niya ito at tinulungan naman siya nitong hanapin ang kanyang cellphone nang makauwi na ito.

Mithiin ng TAS na makalikha ng cartoon na sasalamin sa kulturang Pilipino kung kaya’t kapansin-pansin na maraming tradisyong Pilipino ang hatid ng pelikula. Kabilang na rito ang kakaibang paniniwala ng mga Pilipino sa mga maligno tulad ng kapre. Ipinakita rin ang pagkamagalang ng mga batang Pilipino sa paggamit ni Ana ng “po” at “opo” at pagmamano sa nakatatanda sa kabila ng pagiging moderno ng panahon ngayon.

Sa ipinamalas ng TAS sa pagpapakita ng mga tradisyong Pinoy, natupad nila ang kanilang minimithing cartoon na sasalamin sa pagka-Pilipino. Sa katunayan, kabilang ang Libingan sa mga kalahok sa maikling pelikula ng Cinemanila International Film Festival ngayong Agosto. Ayon kay Carandang, senyales ito ng magandang kinabukasan ng mga Pilipinong may talento sa digital animation.

“Malaking oportunidad sa amin ang maipalabas ang Libingan sa isang prestihiyosong festival tulad ng Cinemanila,” ani Carandang. “Inaasahan namin na patuloy pa ang pag-usbong ng aming nasimulan.”

READ
Thomasian tops Medicine boards

Sa maikling panahon, naipakita ng Tuldok Animation Studios ang posibilidad sa paggawa ng sariling animation. Hindi man ito kahalintulad ng mga 3D ng ibang mas popular na bansa, hindi maipagkakaila na simula na ito ng panibagong sining para sa mga Pilipino. Ani Carandang, “Magtiwala tayo sa ating sariling kakayahan dahil dito lamang tayo uusad tungo sa katanyagan.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.