MARAMING pangyayari sa ating kasaysayan na mahirap maunawaan.

Ang desisyon ni Pangulong Emilio Aguinaldo na nagbigay-daan sa pananakop ng mga Amerikano ang isang halimbawa nito.

Sa dulang El Camino Real, na orihinal na akda ni Nick Joaquin at isinalin sa Filipino ni Ony de Leon, ipinakita si Aguinaldo bilang anak, heneral, at presidente. Ipinaliwanag din kung bakit siya nag-atubili na agawin ang Maynila mula sa mga Espanyol nang walang tulong mula sa mga Amerikano.

Sa direksiyon ni Chris Millado, unang pagtatanghal ng Tanghalang Pilipino sa kanilang ika-15 taon ang El Camino.

Sinimulan ang dula sa panahong tapos na ang digmaang Amerikano-Pilipino-Espanyol. Nanalo sana ang mga Pilipino sa pamamagitan ng sariling pagsisikap kung ipinagpatuloy nila ang martsa sa Maynila at hindi nagpalinlang sa mga Amerikano.

Nagbukas ang unang yugto sa pagdiriwang ng ika-32 kaarawan ni Pangulong Aguinaldo (Cyrsky Manfoste) sa Palanan, Isabela.

Sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw, ipinakita ang martsa ng hukbo ni Aguinaldo noong Mayo 1898 sa Camino Real, ang mahabang daang nagsisimula sa daungan ng Cavite patungong Maynila.

Binalikang-tanaw rin ang pagkumbinse ni Don Felipe Buencamino (Jeffrey Camañag) kay Aguinaldo na kumampi sa mga Espanyol na labis niyang tinanggihan, ang pagkapanalo nina Aguinaldo sa labanan sa Kawit, Binakayan, at Bacoor, ang pagdedeklara ng kalayaan noong Hunyo 12, 1898 at ang pakikipag-usap ni Aguinaldo kay Apolinario Mabini (Ian Lomongo), na naniniwalang masyado pang maaga ang pagdedeklara ng kalayaan.

Ipinakita naman ng ikawalong yugto ang pagbihag kay Aguinaldo. Sa pamamagitan ng kanyang pakikipag-usap kay Kapitan Lazaro Segovia (Roeder Camañag), ang naatasang magbantay kay Aguinaldo, naipakita ang tunay na karakter ng dalawa sa pamamagitan ng kanilang mga pananaw sa pagtatraidor, pagkatalo, pagiging tapat sa bayan at sa rebolusyon. Si Segovia ang kasama ni Koronel Hilario Tal Placido (Garry Flores) na namuno sa pagdakip kay Aguinaldo.

READ
Manila to host World Meeting of Families

Sa huling bahagi ng pagmamartsa sa Camino Real, naghinala na sina Heneral Antonio Luna (Paolo O’Hara) at Heneral Jose Alejandrino (Jun Villanueva) sa tunay na pakay ng mga Amerikano sa Pilipinas. Ipinakita rin ito sa pamamagitan ng balik-tanaw. Huli na ang lahat nang magdesisyon si Aguinaldo na lusubin ang Maynila dahil hawak na ito ng mga Amerikano. Nakuha ng mga Amerikano ang Maynila sa pamamagitan ng panlilinlang ni Heneral Greene kay Aguinaldo. Napagkasunduan ng dalawa na kailangan munang magbigay ng pormal na liham si Greene na nagsasaad na kaalyado ng mga Amerikano ang mga Pilipino. Saka lamang sila papayagang manatili sa Baclaran at Pasay, ang pinakamalapit na lugar sa Maynila, na kasalukuyang hawak ng mga Pilipino. Natuloy ang paglipat ng mga Amerikano nang hindi natutupad ang napagkasunduan.

Ipinakita rin sa pagbabalik-tanaw si Aguinaldo noong bata ito at takot na takot mag-aral sa Maynila dahil sa panunukso ng mga kaklase. Tinutuksong bobo at unano si Aguinaldo. Sa yugtong ito, inakusahan ni Segovia si Aguinaldo na pinatagal ang paglusob dahil sa mga takot na nag-ugat pa sa kanyang kabataan.

Naging mahusay ang pagkakaayos ng mga eksena at naging mabisa ang mga pagbabalik-tanaw.

Subalit hindi naging epektibo ang pagsasama ng mga beterano at mahuhusay na aktor at mga batang hindi pa gaanong bihasa. Hindi naging maganda ang kabuuang pagganap. Isang halimbawa nito ang pangunahing aktor na si Cyrsky Manfoste (Emilio Aguinaldo), na nasa ikalawang taon pa lang sa mataas na paaralan. Akma nga ang kanyang tangkad, ngunit di naman buo ang kanyang boses at kulang pa sa wastong ekspresyon. Hindi rin siya tindig-heneral at hindi umayon sa nararapat ang kanyang paggalaw. Sa kabilang dako, kahanga-hanga naman ang makatotohanang pagganap nina Sherry Lara at O’Hara dahil naipakita nilang mabuti ang emosyon ng mga ginampanan nilang karakter.

READ
Joe Burgos: A man of science

Mahusay rin ang konsepto ng tagpuan — isang pinunit na pahina ng aklat na nakapaligid sa mahabang daang sumasagisag sa Camino Real. Sa ilalim nito, nakakalat ang mga libro na nagpapahiwatig ng mga bakas ng kasaysayan.

Nakatulong naman sa lubos na pag-unawa sa istorya ang pag-iilaw. Nagpapahiwatig ang bughaw na ilaw ng pagbabalik ng kuwento sa Isabela matapos ang maraming pagbabalik-tanaw, simbolo ng dagat ng Palanan.

Kung nalalambungan ng itim na tela ng kasaysayan si Aguinaldo dahil sa mga katanungan tungkol sa kanya, layunin ng El Camino Real na lilisin ito at ipakita na may isang ordinaryong Pilipino na nangarap, nabigo at nagnais na maunawaan — isang magiting na heneral at presidente.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.