TUNGGALIAN ng kasarian at hamok ng panulat at pagtatanghal¯ito ang mga kaisipang mabubuo sa pelikulang Tatarin. Hinango mula sa maikling kuwentong Summer Solstice, na isinulat bilang isang dula ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan na si Nick Joaquin noong 1970.
Sa direksyon ni Tikoy Aguiluz at panulat ni Ricky Lee, umiinog ang istorya ng pelikula sa araw bilang pagdiriwang sa Tatarin at kapistahan ni San Juan Bautista. Dala ng ritwal ang paniniwalang nangingibabaw ang kapangyarihan ng babae sa pamamagitan ng pagsapi ng espiritu ng Tatarin.
Nanaig ang lakas ng ritwal sa bakuran ng mag-asawang Doña Lupe (Dina Bonnevie) at Don Paeng Moreta (Edu Manzano) nang tanghalin isang gabi bilang ikalawang Tatarin ang kanilang kusinerang si Amada (Rica Peralejo) at nang sumama sa parada ni San Juan ang kapatid ni Don Paeng na si Guido (Carlos Morales).
Mariin man ang pagtutol ng asawa, tenggang-kawaling lumabas si Doña Lupe sa gitna ng gabi upang sumali sa huling araw ng pagdiriwang ng Tatarin. Tinangka mang pigilin ang kabiyak, hindi napaglabanan ng katawan ni Don Paeng ang sakit ng mga hagupit ng tila nasasanibang kababaihang kasama sa ritwal.
At sa harap ng napakalaking puno ng balete, wari’y mga umaalulong na aso ang mga kababaihan sa kakaibang damdaming nagmumula sa kaibuturan. Mistula silang mga bilanggo na pilit kumakawala mula sa isang tanikalang halos naging bahagi na ng kanilang konserbatibong buhay.
Pagsuko–ito ang naging katapusan ng labanan sa pagitan ng mga tauhan. Tinanggap ni Don Paeng, sa kanyang kabiyak, ang kakulangan ng buhay nito sa kanyang kawalan. Ang paggapang at ang paghalik sa kanyang mga paang animo’y sa isang santo ang iniutos ni Doña Lupe sa mapagmataas na asawa.
Sakit ng Tatarin
Hindi matatawaran ang mga pangalang nasa likod ng pelikulang ito: ang dalawang Pambansang Alagad ng Sining na sina Joaquin at Lucresia Kasilag; ang balyerinang si Edna Vida, na nagsagawa ng choreography ng mga sayaw; ang manunulat na si Ricky Lee; at ang batikang direktor na si Tikoy Aguiluz.
Kung babalikan ang orihinal na obra ni Joaquin, mapagtatantong mayroong ilang pagbabagong inilapat si Lee sa istorya. Marahil ginawa niya ito upang maging angkop sa panlasa ng mga manonood. Dalawa sa mga pagbabagong ito ay ang pisikal na anyo ni Amada. Ang matanda na at matabang kusinera ng mga Moreta sa akda ni Joaquin, ay biglang naging balingkinitang, bumata, at naging meztisa. May pagbabago ring naganap sa katapusan ng kuwento, naganap sa puno ng balete ang wakas, na sa maikling kuwento ni Joaquin ay naganap sa loob ng silid ng mag-asawa.
Para sa isang simpleng manonood na hindi nabasa o walang panahon upang basahin ang dula ni Joaquin, magiging napakahirap ang pag-unawa sa pelikula. Kapansin-pansin ang pagsulpot ng ilang eksena na hindi madaling pagtagni-tagniin. Marahil sa pagtatangkang maipakita ang tiyak na panahong pinangyarihan ng kuwento, pilit na isiniksik ang ilang eksena: tulad ng pabrika ng tabako ng mga Moreta at ang paglabas ng karakter ni Daniel Fernando na sa tindig ay tila isang mandirigma. At kung susuriin ang kabuuan, hindi pulido ang pagkakaayos at pagkakaplano ng pelikula kung kaya’t mistulang walang istorya ang obrang pinagkagastusan ng malaki.
Katangi-tangi ang mapagdesisyunang isapelikula ang dulang may napakadakilang pakay para sa mga manonood nito–ang pagkakapantay-pantay ng ng mga kasarian sa lipunang puno ng limitasyon at patakaran. Ngunit ang tuwirang paglalapat ng isang obrang natamo ang katanyagan sa panulat ay hindi isang biro.