PANINGIN ang karaniwang ginagamit upang humusga ng kagandahan, ngunit ipinababatid ng Sensorium of Portraits: The Inner Connectedness of Everyone and Everything, isang tactile exhibit para sa mga indibidwal na hindi nakakikita, na ang diwa ng sining ay hindi lamang limitado sa mga kulay o guhit-balangkas.

Ang tanghal na ito ni Allison Wong-David ay matatagpuan sa Metropolitan Museum of Manila mula noong Hunyo 2009 at tatakbo hanggang sa katapusan ng taon. Ito ay parte ng programang Touch the Artist Vision na sinusuportahan ng UST Graduate School-Center for Conservation of Cultural Property and Environment in the Tropics.

Ang mga obrang tampok, na sadyang nilikha upang hawakan, ay nagbibigay ng mas malalim na pag-unawa na ang halaga ng buhay ay hindi nakakulong sa kung ano ang naaabot ng paningin. Ang mga ito ay gawa sa iba’t ibang kasangkapan tulad ng plywood, metal na pohas, wax, plexiglas at oleo sa kambas.

Agaw-pansin ang pinakamalaking istruktura na yari sa pinakintab na stoneware na tinawag na “Papataas na Larawan: George.” Ang pinagsama-samang tipak ng malalaking porselana na may kulay ng mapusyaw na berde ay sumisimbolo sa isang makapangyarihang lalaki.

Ang likha ay nagpapakita na kahit maging labis man ang kapangyarihan ng tao, ito ay isa pa ring nilalang na maaring bumagsak at mabigo dala ng pagsubok ng panahon at likas na karupukan. Ang likha ay may mga magkakaibang porma ng butas para malinaw na maramdaman ng humahawak ang kakaibang disenyo.

Ang “Pagmapa kay Marcy,” na gawa sa plywood at metal na pohas, ay isang mukha ng lalaki na mistulang mapa. Kumakatawan ang mga espasyo ng istruktura sa mga pagnanais ng tao na gusto nitong punan sa paniniwalang ito ang bubuo sa kaniya.

READ
UST upgrades anti-virus softwares

Isang collage ng makikinis at iba’t ibang hugis na bato ang makikita sa “Ang Batong Hardin,” isang paglalarawan sa mga mabigat at madilim na pangyayari sa buhay. Ganoon pa man, ipinararating ng obra na may makikitang ganda sa bawat trahedya ng buhay kung titingnan sa ibang pananaw.

“Kapag naranasan mo ang pag-unawa sa kapayakan sa kawalan, taglay mo ang malayang isip upang maunawaan ang lahat,” ani David.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.