NAKAMIT ng mga Tomasino ang ikatlong gantimpala sa Design for Living international Competition sa Barcelona, Spain noong ika-3 ng Agosto.
Ang mga miyembro ng grupo na sina Aramis Corullo, Paula Casia, Gellaine Burgos, Althea Poblete at Angelo Landicho ay nagsipagtapos ng arkitektura nitong taong 2020.
Ayon sa grupo, ang pangunahing ideya ng kanilang proyekto ay ang makapamuhay sa mundo na puno ng basura at polusyon.
“We decided to tackle an environmental issue while improving the country’s poor living conditions,” sabi ni Corullo sa isang panayam sa Varsitarian.
Ang disenyo ng proyekto nilang “WALL-E: Transforming waste into a floating city to restore the Sunken Kingdom of Binuangan,” ay hango sa pelikulang “Wall-E” noong 2008, na tungkol sa isang robot na naiwan sa planetang hindi na matirhan ng tao.
Gumamit sila ng mga amphibious pod—mga basurang plastic—bilang materyales sa paggawa ng mga istruktura tulad ng bahay, paaralan at baklad.
“Historically, architects are often associated with expensive and grandiose projects. We wanted to show how architecture can also be used as a tool to improve conditions in problematic areas,” wika ni Corullo.
“Good design can go a long way and it should never be exclusive. We feel that this is the brand of architecture we want to display as Thomasians,” dagdag niya.
Bibigyan ng salaping gantimpala ang grupo, kasama ang scholarship para sa master’s degree sa Institute for Advanced Architecture for Catalonia na maaari nilang kunin sa taong 2020-2021 o 2021-2022.
Lalabas din ang proyekto nila sa isang espesyal na libro.
Ito ang ika-8 taon ng patimpalak.