NAPILI ang awiting isinulat ng tatlong Dominikong seminarista bilang himno ni Madre Francisca del Espiritu Santo de Fuentes, tagapagtatag ng Congregation of the Dominican Sisters of St. Catherine of Siena sa Pilipinas.
Inilunsad nina Br. Joenner Paulo Enriquez, O.P., Br. Jaymar Capalaran, O.P. at Br. Jimbo Mendejar, O.P. noong ika-24 ng Agosto ang kantang “Madre Francisca,” ang ikatlong himno para kay Madre Francisca kasunod ng “Francisca de Manila” at “Mauni Francisca.”
Ayon sa mga seminarista, “meditative at prayerful” ang melody ng kanta.
“The intention of the composer is to provide melodic tone so that the members and affiliates of the Congregation of Siena meditate on the life and virtues of Madre Francisca through the lyrics; likewise, to pray through her intercession,” sabi ng mga Dominiko.
Dagdag pa nila, ipinapahiwatig ng awitin na dapat tularan ng mga nananampalataya si Madre Francisca.
“[Inaruga ni] Madre Francisca ang mga kababaihang walang boses sa lipunan at ang mga kabataang naghahanap ng masusumpungan. Maliit man ay ginawa niya ito dahil alam niyang ito ang itinakdang gawain para sa kaniya,” wika nila.
Ayon kay Enriquez, isang manunulat ng Pintig at Natatanging Ulat ng Varsitarian, ginamit niyang inspirasyon sa pagsulat ng tula ang pagsisikap ng mga ordinaryong tao sa lipunan.
“Ang talagang naging inspirasyon ko sa pagsulat ng tulang ito ay ang mga ordinaryong tao na may mga maliliit na gampanin dito sa lipunan ngunit ginagawa pa rin nila ito ng may buong puso’t pagmamahal,” wika ni Enriquez sa isang panayam sa Varsitarian.
Itinatag ni Madre Francisca ang Beaterio de Sta. Catalina de Sena de las Hermanas de Penitencia de la Tercera Orden noong Hulyo 26, 1686. Siya rin ang nagsilbing unang pinuno ng kongregasyon.
Noong Hulyo 2019, ipinataw ni Papa Francisco ang titulong “venerable” kay Madre Francisca pagkatapos siyang makitaan ng heroic virtues, sa pamamagitan ng decree ng Congregation for the Causes of Saints.
Dalawang hakbang na lang bago siya maiproklamang santa.