PAGLINANG sa mga kabataan ang naging motibasyon para ipatayo ang isang retreat house sa Nasugbu, Batangas, na ipinangalan sa lugar ng kapanganakan ng patron ng mga Dominiko, ayon sa dalawang Tomasinong pari na nangangasiwa nito.

Ayon kay Padre Christopher Jeffrey Aytona, O.P., propesor ng teolohiya sa Unibersidad, ang mga kabataan ang pag-asa at yaman ng Simbahan kung kaya’t ipinatayo nila ang Caleruega Retreat Center para sila’y mapangalagaan.

We have to journey with them, journey with them actively, but, at the same time, journey with them spiritually through activities like retreat and recollection,” wika niya sa Varsitarian.

(Dapat nating samahan ang mga kabataan sa kanilang paglalakbay sa pamamagitan ng mga espiritwal na gawain tulad ng retreat at recollection.)

Pinaghalong Moorish – o disenyong Islamic na hango sa hilagang Aprika, España, at Portugal – at Filipino ang arkitektura ng retreat center na itinayo noong 1995.

Ideya nina Padre Edmond Dantes, O.P., dating ingat-yaman ng Dominican Province of the Philippines, at Yolanda Reyes, dating dekano ng noo’y magkasama pang UST College of Architecture and Fine Arts, na pagsamahin ang mga kubo, kapilis, at arko para maihalintulad ang lugar sa Caleruega Burgos, España, kung saan isinilang si Santo Domingo de Guzman, ang nagtatag ng Orden ng mga Predikador.

Itinayo ang Caleruega sa nayon ng itaas ng burol upang mapalapit sa kalikasan at magsilbing “pilgrimage site” ng mga mandarayuhan. (Kuha ni Joselle Marie B. Reyes/ The Varsitarian)

Ayon sa dating UST secretary general Padre Winston Cabading, O.P., itinayo ang Caleruega sa nayon ng itaas ng burol upang magkaroon ng “pilgrimage site” para sa mga mandarayuhan, kahalintulad ng nasa España.

The nearer we are to nature, the more we get to appreciate nature and care for creation and the more we get to the creator Himself,” wika ni Cabading sa Varsitarian.

(Kapag mas malapit tayo sa kalikasan, mas mapapahalagahan natin ang mga likha ng Diyos at mas napapalapit tayo sa Kaniya.)

Ang kapilya ng transfiguration, na mapupuntahan kapag inakyat ang Dominican Steps, ang pinakamataas na lugar sa buong retreat center.

Isang fountain ang bubungad sa mga tao pagpasok ng gate. Ito ay may kulay itim at puting eight-pointed star, kung saan ang isang sinag ay mas mahaba para magmukhang aguhon o compass.

Bubungad din sa mga bisita ang enggrandeng hagdanan na gawa sa kahoy. Pagkapasok ng bulwagan, maaaninag sa kanang bahagi ang komedor o hapag-kainang nakabatay sa bahay at kulturang Filipino.

Pinagsama-sama ang mga kubo, kapilis, at arko para maihalintulad ang Caleruega Retreat Center sa Caleruega Burgos, España, kung saan isinilang si Santo Domingo de Guzman, ang nagtatag ng Orden ng mga Predikador. (Kuha ni Jana Francesca D. Yao/ The Varsitarian)

Matatagpuan naman sa labas ang malaking hardin na may iba’t ibang uri at laki ng mga halaman. Sagana din sa pinya ang lugar dahil isa ito sa mga ipinagmamalaking produkto ng Batangas.

Gawa sa stone bricks ang harapan na binuo gamit ang mga abo na ibinuga ng Pinatubo noong sumabog ito noong 1990. Mayroon ding mga simbolikong bagay sa loob ng Caleruega tulad ng “coat of arms” nina Juana de Aza at Felix de Guzman upang ihalintulad ito sa St. Dominic de Guzman Cathedral sa Batanes.

Layon ng retreat center na magkaroon ng oras ang mga bisita para maglakbay kasama si Hesus, kuwento ni Cabading.

Coming from below level, life is like a journey and a development, and you go step by step. Some steps are lower than others and some steps are higher than others, but it’s a pilgrimage,” wika niya.

(Ang buhay ay parang paglakbay kung saan manggagaling ka sa ibaba para umakyat. Bawat hakbang, may mga hakbang na mas mababa, may mas mataas, dahil nga peregrinasyon ito.)

Ang kapilya ng transfiguration ang pinakamataas na bahagi sa Caleruega. (Kuha ni Jana Francesca D. Yao/ The Varsitarian)

Nais itatag ng Caleruega ang “Dominican spirituality” ng mga seminaristang nais pumasok sa pagpapari, giit ni Cabading.

Its intention as a retreat house is for the use of the Dominicans in the Philippines and to prepare the preacher,” wika niya.

(Ang intensyon ng retreat house ay para magamit ng mga Dominiko sa Pilipinas at ihanda sila bilang mga mangangaral.)

Dagdag ni Aytona, lugar ang Caleruega para tahimik na dinggin ng mga mananampalataya ang Panginoon.

“[Iyon ang] thrust ng Caleruega na lahat nang magpupunta rito would have that time for themselves, would have that time with the Lord to talk to Him, but not just to talk to Him, but to listen to Him. So we talk to God and we allow God to talk back to us in the silence of our heart,” wika niya.

(Ang tunguhin ng Caleruega na lahat nang magpunta rito ay makapag-ukol ng sandali para sa kanilang sarili at para kausapin ang Panginoon. Nakikinig din tayo sa Panginoon upang hayaan siyang mangusap sa atin para sa katahimikan ng ating puso.)

Ayon kay dating UST secretary general Padre Winston Cabading, O.P., layon ng Caleruega Retreat Center na maglakbay ang mga bisita kasama si Hesus. (Kuha ni Joselle Marie B. Reyes/ The Varsitarian)

Ipinagdiriwang ang kapistahan ni Santo Domingo tuwing Agosto 8. With reports from Hannah Joyce V. Andaya and Jenna Mariel A. Gonzales

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.