Isang pagsilip sa mga karanasan ng isang batang Filipino sa kanyang pag-aaral ang ABNKKBSNPLAko?! Mga Kwentong Chalk ni Bob Ong (Visual Print Enterprises, 2001). Dito, isanasalaysay ng may-akda ang mga kawili-wiling pangyayari sa buhay niya habang siya ay pumapasok sa paaralan, mula kinder hanggang sa makapagtrabaho na siya. Tunay na nakatutuwa ang pagsasalaysay ni Ong sa kanyang mga karanasan sapagkat ang kanyang paglalahad ay makatotohanan. Bukod dito, madaling mauunawaan ang libro dahil makikilala ng mga mambabasa ang kanyang mga karanasan. Tiyak na aantig sa sinumang naging mag-aaral.

Unang inilarawan ni Ong ang kanyang samut-saring karanasan sa isang pampublikong paaralan. Naroong napalo siya ng kanyang guro nang hindi niya alam ang dahilan kung bakit; ang mga larong pinagtitiyagaan niya sa tuwing lumilipad ang isip sa klase, tulad ng Giyera at F.L.A.M.E.S.; ang silid-aralan na muntik nang magiba ng bagyo habang may klase sa loob nito; ang guro niya sa Filipino 3 na naghagis ng mga notebooks nila sa bintana; ang niluto nilang “africhada” para sa Practical Arts; ang pagkopya at pangongopya; ang pagliban sa klase; ang paghanap ng mapapasukang kolehiyo; pagbagsak sa mga asignatura at iba pang mga nakaaaliw na kwento.

Mga suliranin

Higit na naunawaan ni Ong ang mga ugali at paraan ng pagtuturo nang siya mismo ang naging guro. Tulad ng kanyang isinulat: “Araw-araw mong problema ang lesson plan. Para ka ring estudyante na kailangang mag-aral. Ang mga alam mo na dati, nababago. Ano man ang napag-aralan mo noon, dapat dagdagan.”

Natuklasan din niya ang kahalagahan ng kanyang personalidad. “Itsura, pananamit, kilos, galaw, pananalita, at pamumuhay. Lahat sinusukat. ‘Pag nabalanse mo ang lahat ng tungkulin at responsiblidad mo sa mga estudyante at katrabaho, isa lang ang premyo—respeto, na parang revolving fund na ipupuhunan mo na naman para makapagturo ka ulit kinabukasan,” aniya.

READ
AB upsets Engineering, wins Pautakan 2002

Inilahad ni Ong ang mga suliranin sa edukasyon sa Filipinas, tulad ng kakulangan sa mga guro, kagamitan, gusali at salapi na kinakailangan upang makapagpalaganap ng kaalaman sa mga batang Filipino.

Ilan sa mga problemang binanggit ng may-akda ang kakapusan ng higit 20,000 mga silid-aralan; ang higit sa 700,000 mag-aaral na walang maupuan; ang 90 milyong kakapusan sa mga aklat; at ang 1:10 ang book ratio.

Naunawaan na rin at nasabi ni Ong ang tunay na kahalagahan ng mga guro sa kalinangan ng pagkatao ng isang mag-aaral. Lahat ng mga itinuturong leksyon ng isang guro, pati na ang mga ikinikilos o sinasabi nito, ay nakapagbibigay—kaalaman sa mag-aaral. Napakalaki ng impluwensiya ng isang guro sa kanyang mga mag-aaral at dito makikita kung ano ang mga kaalamang natatanggap ng mga ito.

Pagkatuto

Maliban sa mga kwento at anekdota ng buhay ni Ong, paulit-ulit na matatagpuan sa libro ang isang tanong: Ano nga ba ang natututuhan ng isang bata sa panahon ng kanyang pag-aaral?

Maraming natututuhan ang isang mag-aaral—maaaring mataas ang kanyang mga marka dahil sa mahilig siyang sumali sa mga diskusyon at magaganda ang kanyang ipinapasang mga proyekto. Ngunit hindi maiiwasan ang mga mag-aaral na bagamat sari-saring tulong sa pag-aaral ang ipinagkakaloob dito ay hindi matuto-tuto.

“Pero sino nga ba ang learning disabled, ‘yung mga hirap mag-aral o ‘yung mga walang natutunan?” tanong ni Ong sa aklat. “Ano ang pinagkaiba ng out-of-school youth na shoplifter at Harvard graduate na corrupt government official bukod sa mas masama ‘yung pangalawa?”

Ipinapahiwatig ng may-akda na hindi nasusukat ang talinong taglay ng isang mag-aaral sa mga markang kanyang natatanggap, hindi sa mga Passed at Failed na mga marka, kundi sa nabuong katauhan ng mag-aaral. Higit na mahalaga ang pagkatao na naitanim sa kalooban ng isang bata sa kanyang paglaki sa loob ng isang institusyon ng kaalaman.

READ
Posting on One's Heritage

“Hindi ba malaking pagkakamali ng maraming eskuwelahan na gawing 0 to 10% lang ang Character sa computation ng grades, mas mababa sa Periodical Test (20%), Project (30%), at Class Standing (40%) gayong Character ang humuhulma sa tao, pamilya, bansa, mundo, at kasaysayan?” usisa pa ng may-akda.

Aral

Nais ihayag ni Ong sa ABNKKBSNPLAko?! na hindi sa mga paaralan nagtatapos ang pagiging mag-aaral ng isang tao; isa lamang itong pagsasanay. Sa kanyang pagtatapos ng kolehiyo, matutuklasan niya na mayroon pang higit na malaki at malawak na paaralan na kailangan niyang tahakin, at ito ay ang mundo—ang mundo na nabubuo ng iba’t ibang tao, lugar, pangyayari, at karanasan. At sa pagtahak sa bagong paaralan na ito, dito makikita kung paano gagamitin ng estudyante ang kanyang mga natutunan sa kanyang mga taon ng pakikipagsapalaran.

“Nalaman kong marami palang libreng lecture sa mundo, ikaw ang gagawa ng syllabus. Maraming teacher sa labas ng eskuwelahan, desisyon mo kung kanino ka magpapaturo. Lahat tayo enrolled ngayon sa isang university, maraming subject na mahirap, pero dahil libre, ikaw ang talo pag nag-drop ka. Isa-isa tayong ga-graduate, iba’t ibang paraan. Tanging diploma ang alaala ng kung ano mang tulong o pagmamahal ang iniwan natin sa mundong pinangarap nating baguhin minsan,” ani Ong. Lea C. Lazaro

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.