Nagbabahagi ng mensahe si Virgilio Almario, isang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, sa paglulunsad ng kanyang bagong aklat na pinamagatang "Sapantàhang Wika" noong ika-5 ng Oktubre. (Retrato ni Hans Malgapu/ Mula sa UST website)

NAKIISA ang isang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan sa pagdadalamhati sa mamamahayag na si Percy Lapid na napaslang noong ika-3 ng Oktubre.

Ani Virgilio Almario, dating tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino, kawawa ang mga peryodista at manunulat sa Pilipinas.

“Bahagi ng aking sapantaha ang pangyayari na kawawa ang mga peryodista, ang mga manunulat dahil ang kanilang sapantaha ay hindi nakikilala, hindi pinahahalagahan ng ating gobyerno,” sambit ni Almario sa paglulunsad ng bagong niyang aklat noong ika-5 ng Oktubre.

Pinamagatang “Sapantahàng Wika,” ang pinakabagong libro ni Almario ay isang diseksyon ng wika na maaaring magsilbing gabay sa pagtatag ng pilosopiyang pangwika at kamalayan, at patnubay sa paglinang ng kasaysayan at kultura ng mga Pilipino.

Tinalakay rin ni Almario ang tungkulin ng mga makata na hubugin ang kanilang wika kahit na sila ay “anak ng wika.”

“Anak man siya ng wika, kailangan ng makata na hubugin pa ang wika alinsunod sa kanyang mga adhika at mithi bilang manlilikha,” ani Almario.

“Kailangan niyang maging makata ng wika. Kailangan niyang likhain ang wika ng kanyang kamalayan, ang wika ng kanyang pagiging makata. Iyon ang kanyang pangunahin at natatanging tungkulin bilang anak ng wika ng kanyang bayan,” dagdag pa niya.

Dumalo at nagbigay rin ng muni-muni sa bagong akda sina Marella Bolaños, tagapangulo ng Departamento ng Pilosopiya; Jovito Cariño, kawaksing dalubguro at dating tagapangulo ng Departmento ng Pilosopiya; at Ginoong Einstein Mejaro, isang guro ng pilosopiya sa UST Senior High School.

Ang “Sapantàhang Wika” ay inilatha ng UST Publishing House kasama ang UST Museum.

Isinagawa ang paglulunsad sa UST Main Building. J.P. Tagaban

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.