Itinaas ng isang kulubot na kamay ang baso ng lason,
habang nakapalibot, hindi paaawat sa pighati ang kanyang
mga disipulo, umasang tatanggapin ang anyaya ng pagtakas.
Sa mga huling sandali, patuloy pa rin siyang bumibigkas ng
talinhaga. Aniya, hindi niya matakasan ang hatol ng batas
dahil ito’y tuwirang pag-amin sa kasalanan. Subalit, hindi
nga ba ang mga batas na ito, sa buong-buhay niya’y
kanyang binatikos, pinagtawanan?
Sa labas, naghihiyawan ang mga tao sa daungan. Dumating
na ang barko at siyang hudyat ng katapusan ng
dakilang guro. Buong lungsod sa pamilihan nagpunta upang
isakdal ang mapamintas na matanda. Sumiklab ang bagsik
ng debate. Lahat ay may sariling saloobin. Marami man
ang tutol sa parusang bigay, subalit ang tinig ng nakakarami
pa rin ang nagwagi—KAMATAYAN! Siyang nagsabi na ang
tagagawa ng sapatos ay sa sapatos lamang, ang pastol
sa karnero, at ang gobyerno sa taong may alam at hindi
sa karaniwang kulang ang kaalaman at hindi abot ang
katayuan sa mga may pinag-aralan.
Iwan na niya ang lungsod na kanyang
pinagtawanan, linait,
sinuklam. Kanyang binatikos ang mga sikat na pilosopong
naglakbay, naglilibot na ang pagtuturo ang siyang kabuhayan,
upang ang kanilang pangaral ay marinig
at maibahagi,
na ang katotohana’y hindi puro, lumalabas sa iba’t ibang
anyo at depende sa tao. Kanyang pinigilan ang
pagpasok ng mga makata sa kanyang paraisong republika,
dahil sa kanilang mga salita’y bihag ang katotohan,
nagbibigay ng lakas sa mga karaniwan upang mangahas
na kahit mayaman ay kayang isakdal. Hindi nga ba’t sabi
niya’y kailanman ang kaalamang politikal ay taglay lamang
ng iilan? At sa lungsod na kahit basagulero’y may
lugar sa gobyerno, hindi ba ito insulto sa mga aristokratong
mula pagkabata’y nilunod sa pangaral ng mga makata?
Oo nga’t ang lungsod ang siyang nagkasala sa pagkitil sa
isang malayang pag-iisip, taliwas sa reputasyon nitong
inaalagaan—bayan ng malayang kaisipan, kung saan ang
kuro-kuro’y pinahahalagahan. Ang paratang na ginawa’y
binastos niya ang mga diyosa. Dahil ang mga ito’y waring
mga mortal na marunong gumawa ng karumal-dumal sa
tawag ng inggit at pagkasuklam. Kagya’t siya’y pinuri ng
orakulo bilang pinakamatalino, mapagpakumbaba mang
amining maging siya’y walang kaalam-alam ngunit hindi
nga ba tutop, na sa kanyang pagkamatay, naputol ang
impluwensiyang maaring makasira sa lungsod, at sa mga
demokratikong pananaw ng umaga na rin, ang isa’y isakripisyo
sa lahat. Dahil tanang buhay niya’y kanyang pinagsisigaw,
bawat kausap ay pinagtatawanan, na ang tao’y hindi
pantay-pantay kung sa politika ang usapan
Sa kasaysayan, tinuringan siyang dakilang santong
sekular ng malayang kaisipan. Hindi kaya siya’y
talamak na kaaway ng kalayaan?
Montage Vol. 6 • August 2002