Lilisanin ko nang buong tapang ang silid aklatan
at sasabihing hinding-hindi ko na ito babalikan,
na hindi ako magigising sa kalagitnaan ng pagtulog
na umaapuhap ng tula, na wari’y may naiwang marka,
naipit na pananda, bukas na pahina, naparam na kaluluwa,
yaong may tatawag sa aking pangalan bago ko ipinid
ang pinto, bago ibilin sa alikabok ang mga libro, ilihim
sa mga eskaparate na itong pag-aakda ay nagbabadya
ng pagtalikod, at sa kalagitnaan ng gabi, isusulat ko
ang pangungulila, halimbawa: Dito, ang hanggahan,
ang kabutihan,/ang kaligtasan sa mga basal/ mga banal…
ngunit, sa halip, mababasa ko na lamang na “Dinidilaan
ng makata/ ang kaniyang mga sugat/ wari’y asong-gubat/
pagkatapos na may humugot/ ng palaso sa kaniyang tuhod/
at hindi pag-ibig ang nakita niyang gamot:/ nakita ko siyang
nag-aabang sa tarangkahan/ ng pahina, hinihintay na buksan/
ng Tula ang pintuan.” at bago pa man ako salingin
ng matinding karamdaman, papatayin ko ang ilawan
at sasabihing Hinding-hindi ako masasaktan.

Montage Vol. 10 • December 2006

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.