NAKATALI ang iyong mga kamay sa gilid ng kama habang abala ang lahat sa code blue.
Sa isang iglap, nakatuon sa naghihingalo mong katawan ang atensyon ng lahat. Wala ka nang magagawa pa. Wala ka nang lakas para umigtad at sawayin ang kamay ng doktor na pinapakinggan ang pabagal na pintig ng iyong puso at bumibilis na paghabol sa paghinga.
Hindi ka na rin makapalag sa aburidong nars na di-mabilang ang mga ampula at bote ng gamot na itinutusok sa nagmamanas mo nang katawan.
Gaya mo, wala rin akong magagawa. Sa mga sandaling ito na nangingilid ang luha sa mga nakapikit mong mga mata, dinig ko ang pagtangis ng pamilya mong naghihintay sa labas ng kwartong ito. Nakatali din pala ang mga kamay kong naglilista ng mga gamot at gamit na kailangan sa code blue.
Wala tayong magagawa. Pareho tayong nakatali sa code blue.
Sa oras na matapos ito, ako ang magtatanggal sa mga tubong nakasulot sa ilong at bibig mo. Aalisin ko rin ang mga bote, gamot, at kableng nakapalupot sa pagod mo nang katawan. Kakausapin ng doktor ang aburidong nars.
Ililigpit ko rin ang mga maiingay na aparatong nasa tabi ng iyong kama, respirator, suction machine, at ECG. Lilinisin ko ito hanggang sa matanggal ang mga naiwan mong bakas nang ika’y nahiga sa kamang kinalalagyan mo ngayon.
At sa huli, marahan kong tatanggalin ang nakatali mong kamay sa gilid ng kama. Ilalapat ko ito sa mainit-init mo pang katawan bago pa man manigas ang mga ito. Pupunasan ko rin ang naipong luha sa gilid ng iyong mga mata. Bubuksan ng doktor ang pintuan para sa mga nananangis mong pamilya.
Tatawag ako sa morgue.
* Code blue ang tawag sa pagresponde ng isang grupo sa naghihingalong pasyente sa loob ng ospital.
** Sa ibang ospital, binubuo ang grupong ito ng doktor, senior nars, at bagong nars (trainee) o kaya nama’y nurse aide.
*** Pagkatapos ng code blue, ang bagong nurse o ang nurse aide ang nagbibigay ng after-care sa mga gamit at post-mortem care naman para sa namayapang pasyente.
Montage Vol. 10 • December 2006