Gising na, Claro!
Kasabay ng mga bagang pinagliliyab ni Agni*,
iluluwal na ng liwanag ang mga sundalo ng lungsod.
Paparada sa lansangan ang mga pulutong
habang kinakargahan ang mga armas nilang hinugot mula sa lusak ng nakaraan.
Simula na ng digmaan.
Nakapapanting ng tenga ang pagmumura ng mga laruang bakal –
ang mga anas-anasan ng mga sundalong binulag ng prinsipyo.
Paaandarin na ang mga de-susing tangke –
ang mga makinang tutuldok sa mga taghoy ng siyudad.
Sa patuloy na pag-dedebate ng mga putok,
lalamunin ng nakasusulasok na usok ang lungsod.
Ngunit ‘di pa rin maaawat ang labanang
tao-sa-tao
makina-sa-makina
at maging makina-sa-tao.
Malalagas ang lahing pinag-igting ng bagsik ng lansangan.
Dadanak ang dugo upang diligin ang nakatigalgal na lupa.
Maghihinagpis ang kalangitan –
sasalantahin niya ang siyudad.
Sa digmaang ito,
may nagwawagi nga ba?
o pawang biktima ang balana?
Cease-fire muna.
Sapagkat kumukurap na ang mga bagang pinagliyab ni Agni,
nahahawi na ang nakasusulasok na usok,
at humihina na ang pagal na palahaw ng mga makina.
Muling hahagkan ng mga sundalo ang gabi
upang pansamantalang mamahinga.
Ngunit sa susunod na pagliyab ng mga baga,
si Claro ay magiging isang piping saksi
ng isang panibagong digmaan.
*Agni – diyos ng apoy
Montage Vol. 10 • December 2006