1
Unahing iwasan ang mga liwasan.
Pagkat laging naroon siya:
ang matandang nanlilimahid
sa pangaral.
Naroon siya’t iniiwasan
ang lahat liban
sa iyong tingin na agad
niyang sinasalubong
at agad ding itinatakwil.
Na tila may nais ipahiwatig.
Ang paglimot sa sarili.
Na tuwina’y nais mong alamin
bago marating ang dulo
ng liwasan. Ipangako mo,
sadya mong iiwasan
ang matandang walang ngalan.
2
Huwag paghinalaan ang ilog.
bagama’t ilang katawan
ang napabalitang bigla
na lamang lumulutang o di kaya’y
natatagpuang nakasadsad
sa pampang pagpatak
ng madaling-araw.
Tandaang ang agos
ay nakabubura ng alaala,
nakahuhugas ng sala.
Bagkus kumuha ng batong
sinlaki ng kamao.
Asintahin ang di-nakikitang
puso
ng ilog.
Ilipat sa bato ang bigat
ng sariling puso.
Pagdaka’y ipukol ang bato,
pati ang kamao.
3
Hintayin ang patawad
ng ambon.
Abangan sa tuktok
ng gusali ang paghimpil
ng mga ibon.
Sabayan silang sumilong
sa sandali ng pagtakwil
ng paglipad.
Montage Vol. 10 • December 2006