NOONG Enero 2004 hanggang Hunyo 2005, 4,500 katao ang namatay, 650 ang nawala, at halos 15 milyong pisong halaga ng pananim at kasangkapan ang nasira dahil sa pananalanta ng mga kalamidad sa bansa. Dahil dito, maituturing na isa sa pinakapeligrosong lugar sa mundo ang Pilipinas. Ayon ito sa aklat na Family Survival: A Guide to Family Safety During Disasters, na isinulat ng Tomasinong si Dr. Anthony Rolando Golez.

Ang masaklap na kinahinatnan ng bansa sa nakaraang taon ang naging dahilan kung bakit isinulat ni Golez ang aklat. Layon ng aklat na magbigay ng impormasyon tungkol sa mga hakbang pangkaligtasan na maaaring makatulong sa panahon ng kalamidad.

“Sa pagbibigay ng kaalaman sa mga tao, nadaragdagan ang posibilidad na mailigtas nila ang kanilang mga sarili sa panahon ng sakuna,” ani Golez, “Kinatha ko ang aklat na ito na nakaakma sa tunay na sitwasyon dito sa ating bansa upang mas lalo itong maunawaan ng mga Pilipinong mambabasa.”

Bagamat mayroong mga aklat na banyaga na maaaring pagkunan ng kaalaman, tulad ng Crisis Management : Master the Skills to Prevent Disasters na inilabas ng Harvard Business School Press, hindi naman gaanong angkop para sa mga Pilipino ang mga ito dahil iba pa rin ang mga sitwasyon sa Pilipinas tuwing may kalamidad.

Inilunsad noong Hulyo 25, nahahati sa dalawang bahagi ang aklat. Ang una ay nasusulat sa Ingles habang ang pangalawa ay sa Filipino.

Inilaan ang unang kabanata sa iba’t-ibang likas na pangyayari na maaaring magdulot ng sakuna sa Pilipinas, tulad ng bagyo, lindol, at pagsabog ng bulkan. Tinalakay rito ang mahahalagang impormasyon na dapat malaman tungkol sa bunga ng mga kalamidad. Bukod dito, tinalakay rin ang mga hakbang na dapat gawin bago, habang, at matapos maganap ang mga kalamidad.

READ
Images drawing strength from Christ

Tinalakay naman sa ikalawa hanggang ika-anim na kabanata ang mga dapat gawin upang mapigilan ang epekto ng mga kalamidad, tulad ng flashflood at landslide kapag bumabagyo, aftershock ng lindol, at pag-ulan ng abo matapos ang pagsabog ng bulkan. Sinundan ito ng ika-pitong kabanata na tungkol sa pagpaplano ng kaligtasan sa pamamagitan ng emergency escape exits sa kabahayan, komunikasyon ng pamilya, at pagtatago ng mahahalagang dokumento. Itinuro rin kung paano magbigay ng first aid at kung paano maaring gumawa ng family survival kit.

Sa huling bahagi ng aklat, tinalakay ang Disaster Management Law na nagpapahayag ng responsibilidad ng pamahalaan sa pagpapanatili ng kaligtasan ng mga mamamayan sa panahon ng kalamidad. Binanggit din ang mga patakaran ng pamahalaan sa pagbibigay ng babala o impormasyon tungkol sa pagbaha na dulot ng pag-apaw ng mga dam sa Pilipinas. Kasama rin ang listahan ng mga posibleng pangalan na ibibigay sa mga bagyong sasalanta sa bansa pati na rin ang mga pamantayan sa pagbibigay ng alert signals sa mga bulkan sa Pilipinas.

Sa pangkalahatan, ang aklat ay isang komprehensibong sanggunian ng kaalaman tungkol sa mga kalamidad, ang mga sanhi at bunga nito, at pinakamahalaga sa lahat, ang mga dapat gawin upang matiyak ang kaligtasan ng bawat Pilipino.

Ang aklat, na nagkakahalaga ng Php 290, ay maaaring mabili sa mga pangunahing tindahan ng libro. Para sa mga lugar na malayo sa tindahan ng libro, ang mga kinatawan sa kongreso ang bumibili ng ito upang makaabot sa kani-kaniyang mga bayan. Alena Pias P. Bantolo

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.