“Freedom from fear and injustice and oppression will be ours only in the measure that men who value such freedom are ready to sustain its possession – to defend it against every thrust from within or without.” – Dwight Eisenhower
***
NAGALIT ang mga Pilipino at nagkagulo ang bansa ng madiskubri sa port ng Maynila noong 1999 na ang mahigit-kumulang 122 40-talampakang container vans, na inakala ng customs na naglalaman ng recyclable items, ay punung-puno pala ng mga gamit na diapers, sanitary napkins, hospital needles, at iba pang nakalalasong basura galing Hapon.
Dahil sa laki ng protesta, ibinalik sa Hapon ang basura na dapat ay itatapon na sa ating bansa. Ngunit noong nakaraang Setyembre 2006, kahit na dalawang taon lamang ang negosasyon at halos hindi kinonsulta ang publiko, pumirma ang gobyerno sa Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA), isang kasunduan na ginagawang legal ang pagtapon ng basura ng mga Hapon sa Pilipinas kapalit ang pagpayag nila na makapagtrabaho doon ang ating mga nurses, caregivers, at entertainers.
Nang ilabas sa publiko ang nilalaman ng JPEPA, marami agad ang kumalaban dito dahil ayon sa Artikulo 29 ng kasunduan, maaaring itapon ng mga Hapon ang kanilang sewage sludge, municipal waste, brake fluid, clinical waste, at marami pang iba sa Pilipinas.
Nang kumalat ang balita tungkol sa JPEPA, ang mga organisasyong maka-kalikasan tulad ng Advocates of Science and Technology for the People, Center for Environmental Concern, Kalikasan Peoples’ Network for the Environment, at iba pa ay nagkaisa para sa labanan at ibasura ang kasunduan.
Nabuo din ang Magkaisa Junk JPEPA, isang koalisyon na naglalayong sirain ang “unfair” at “environmentally unjust” na kasunduan. Noong nakaraang Hulyo, ang ilan sa mga estudyante at propesor ng Kolehiyo ng Narsing ay nakiisa sa layunin ng koalisyon sa pamamagitan ng pagprotesta sa loob ng Unibersidad laban sa JPEPA. Hindi sila sang-ayon sa JPEPA dahil sa mahigpit at maling pagtrato sa mga Pilipinong nars sa ilalim ng kasunduan.
Huwag nating hayaang maging basurahan ng mga dayuhan ang ating bansa. Bilang mga Pilipino, mayroon tayong responsibilidad na protektahan ang Pilipinas laban sa mga maaaring sumira sa kanya. Magkaisa, junk JPEPA!
***
Binabati ko ang Batch 2007 ng Kolehiyo ng Narsing na nakatamo ng 98% na passing rate sa nakaraang Nursing Licensure Examination.