TATLONG taon na lamang ang nalalabi bago ipagdiriwang ng Unibersidad ng Santo Tomas ang ika-400 anibersaryo nito. Kabilang sa mga paghahandang isinagawa para rito ay ang paglunsad ng Publishing House ng proyektong “400 Books at 400”. Sinimulan noong 2001, nilalayon nitong makapaglabas ng 40 libro bawat taon hanggang 2010.

Ayon kay Jocelyn Calubayan, direktor ng Publishing House, malapit na nilang makumpleto ang target na bilang ng mga librong ililimbag. Aniya, higit pa ang bilang ng librong kanilang inilimbag noong nakaraang taon sa itinakdang 10 libro bawat taon.

Sa talaan ng Publishing House, 169 na aklat lamang ang kailangang ilimbag ng isa sa pinakamatandang palimbagan sa buong mundo.

Ang pagsusuri

Ngunit isang matagal na proseso ang paglilimbag ng mga libro. Sa isang panayam sa The Varsitarian, ipinaliwanag ni Calubayan na magsisimula muna ito sa pagbubusisi niya at ni Prof. Jack Wigley, ang assistant director ng Publishing House, sa mga isinumiteng manuskrito. Aniya, tinitingnan nila ang kalidad ng pagkakasulat at nilalaman ng mga ito.

“Titingnan namin kung maaari bang ilathala ’yung libro at kung maganda ba ang pagkakasulat nito.”

Dagdag pa ni Calubayan, kapag nakapasa na ang manuskrito sa kanilang pamantayan, isasangguni na nila ito sa mga eksperto sa partikular na larangan na ipinapaksa ng akda upang lubusang masuri ang nilalaman nito.

“Kung ang ipinasang libro ay tungkol sa kasaysayan, ibinibigay namin iyon sa mga istoryador. Kung iyon naman ay isang gawang pampanitikan, ipinapadala naman namin iyon sa Center for Creative Writing Studies. (Kung baga), para (rin) silang mga editor,” paliwanag ni Calubayan.

Subalit idinagdag ng direktor na hindi sila gaanong mahigpit sa nilalaman ng mga manuskrito maliban na lamang kapag hindi umaalinsunod ang mga ito sa mga aral ng Simbahang Katoliko at kung pumapaksa rin ang mga ito sa ibang relihiyon.

READ
What is dark matter?

”Merong (nagsumite ng manuskrito dati) it’s a religious publication, kaya lang hindi ito Catholic kaya hindi ito na-publish,” paliwanag ni Calubayan.

Lupon ng mga manunuri

Ang susunod na hakbang, ani Calubayan, ay ang pagpapasiyahan kung ilang kopya ang kailangang ilimbag ng Publishing House.

Ayon kay Calubayan, bumuo noong isang taon ang Publishing House ng isang lupong magsisiyasat hinggil sa uri ng mga mamimili na kanilang bebentahan ng mga aklat. Aniya, mungkahi ito ni P. Ernesto Arceo, ang dating Rektor ng Unibersidad.

Tungkulin din ng lupon na suriin kung bumebenta ang mga inilalabas na libro ng Publishing House sa iba’t – ibang mga bookstore. Ayon pa kay Calubayan, kasama rin dito ang pagpapasiya kung ano ang gagawin sa mga aklat na hindi naibebenta.

“Ang problema ay kung saan namin ipapakita (ang mga aklat). Mayroon lang tayong maliit na bookstore dito tapos nakalimita pa iyon sa mga mag-aaral ng Unibersidad,” ani Calubayan.

Sa loob at labas ng Unibersidad

Tinatayang 60 porsiyento ng kabuuan ng mga inilabas na libro para sa proyekto ay inakda ng mga Tomasinong manunulat. Marami nang aklat ang nailimbag sa iba’t ibang uri ng larangan katulad ng literatura, kasaysayan, medisina, batas at maging teolohiya. Kabilang sa mga ito ang Ang Batang Maraming Bawal ni Fernando Rosal Gonzalez at If a Filipino Writer Reads Quijote ni Alfred Yuson, Vicente Groyon, at Francisco Sionil Jose. Samantala ginagamit naman ng mga mag-aaral ng Unibersidad bilang teksbuk sa asignaturang Spanish ang ¡Hola Amigos! nina Josefina Gonzalez, Luningning Ferrer at Miguela Miguel. Inaasahan naman na madaragdagan pa ang bilang ng mga magsusumite ng mga manuskrito mula sa labas ng Unibersidad dahil sa pagsasara ng De La Salle University Press.

“Dumami ang nag-aalok (na ilimbag ang kanilang mga akda) mula sa DLSU Press nitong mga nakaraan buwan,” pagsasalaysay ni Calubayan.

READ
UST wins National Science Quiz Bee

Ayon pa rin kay Calubayan, maraming manunulat ang nagsusumite rin ng manuskrito ng mga kalipunan ng kanilang mga akda. Kabilang sa mga ito ay sina Fanny Garcia (Buhay – Pinoy: Mga Piling Interbyu’t Artikulo) sa larangan ng creative non-fiction at Genevieve Asenjo (Komposo ni Dandansoy) sa larangan naman ng maikling kuwento.

Sa loob umano ng isang taon, umaabot sila ng 40 hanggang 50 na aplikante ang nagsusumite ng mga manuskrito, ani Calubayan. Ipinaliwanag niya na katumbas ito ng pagsusuri ng dalawang manuskrito sa loob lamang ng isang linggo.

Aktibo?

Ayon pa kay Calubayan, kabilang ang mga alumni ng Unibersidad sa mga madalas nagpapasa ng kanilang mga manuskrito sa Publishing House upang maipalimbag.

“Ang isa sa nakikita kong grupo ng (mga manunulat na aktibong nagsusumite ng mga manuskrito) ay mga Thomasian alumni writers,” paliwanag ni Calubayan.

Isang halimbawa nito si Dr. Florentino Hornedo, isang propesor ng panitikan at pilosopiya sa UST Graduate School. Ayon sa kaniya, marami na siyang naipalathalang libro sa Publishing House para sa proyektong “400 Books at 400.”

“May 13 o 14 na siguro akong libro na nailimbag magmula nang umpisahan ang ’400 Books at 400’ noong 2001 pero ilan sa mga iyon ay co-edited,” pahayag ni Dr. Hornedo nang kapanayamin siya ng The Varsitarian.

Idinagdag pa ni Hornedo na hindi siya gaanong nahirapan sa pagsusumite ng mga manuskrito sapagkat siya ay nagtatrabaho bilang isa sa mga patnugot ng Ad Veritatem, ang journal ng UST Graduate School na inililimbag din naman ng Publishing House.

Sa kabila nito, ani Calubayan, patuloy pa ring nagsasagawa ng mga paraan ang Publishing House upang palawigin pa ang kaalaman ng mga manunulat ukol dito.

READ
Clothes make the man

Ang ilan sa mga ito ay ang paglahok sa mga international at local book fairs tulad ng Manila International Book Fair sa World Trade Center na ginaganap tuwing Agosto, sa paglalabas ng mga artikulo sa Academia, ang publikasyon ng Public Affairs Office, at paglalabas ng mga artikulo sa iba’t ibang lathalain.

Paliwanag ni Calubayan, bunsod ito ng suliranin sa pagpapakalat ng kaalaman ukol sa proyekto sa mga estudyante. Aniya, halos wala sa kanila ang nagkapagbibigay ng mga kabuuang manuskrito sa sa Publishing House.

Tanging ang The Nymph of MTV ni Angelo Suarez ang librong nailathala ng isang estudyante mula sa 231 librong inilabas ng Publishing House para sa proyektong “400 Books at 400,” dagdag ni Calubayan.

Isa ring hakbang upang malutas ang suliraning ito ay ang binabalak ng Publishing House na pagpapapaskil ng mga poster sa mga bulletin board sa loob ng Unibersidad hinggil sa mga bagong inilimbag na libro, pahayag ni Calubayan. Bukod pa rito, inaayos na rin ng Publishing House ang kanilang web page kung saan ilalagay doon ang listahan ng lahat ng nailimbag na libro.

Bilang bahagi pa rin ng proyekto, isang book launching ang isinagawa noong katapusan ng Enero sa TARC kung saan 15 libro ang itinampok.

Ilan sa mga ito ang Tatlong Paglalakbay ni Tony Perez na koleksyon ng mga dula at Guhit ng Talampakan ni Khavn dela Cruz na kalipunan naman ng mga tula.

Malaking bahagi ang proyekto ng Publishing House hindi lamang sa pagdiriwang ng apat na raang taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Unibersidad, kung hindi pati na rin sa pagpapakilala sa mga mambabasa sa husay ng mga Tomasino at ibang pang manunulat sa pagpapalaganap ng mga bukod-tanging ideya. Joseinne Jowin L. Ignacio at Richard U. Lim

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.