Noon Po Sa Amin

ALAM BA ninyong minsan nang binalak magpatayo ng bowling alley at billiard hall sa loob mismo ng Unibersidad?

Sa pamumuno ni Ana Marie Andia ng Central Board of Students (CBS), ipinahayag sa pamunuan ng UST noong Setyembre 25, 1969 ang kahilingan ng mga estudyante. Kabilang dito ang pagpapatayo ng isang recreation center, kalinisan ng mga silid at palikuran, paglalagay ng karagdagang telephone booths, guidance counselling sa lahat ng mga kolehiyo at pakultad, maayos na pamamahala ng accounting department ng Unibersidad, pagkontrol sa baha at pangangalaga sa mga drainage, bus availability, at pagkakaroon ng postal savings bank ng UST Post Office.

Ayon kay P. Excelso Garcia, O.P., Vice-rector ng Unibersidad noong 1969, pumayag sila sa kahilingan ng mga estudyante sapagkat makakatulong ito upang malaman ng administrasyon ang pangangailangan ng mga mag-aaral. Ipinahayag niya na laging bukas ang Unibersidad sa anumang reklamo, mungkahi, o kahilingan ng mga mag-aaral.

Nauna rito, inilarawan muna ng CBS ang plano ukol sa recreational center. Ayon sa kanila, dalawang palapag ang itatayong gusali sa tapat mismo ng swimming pool ng P.E. Department. Nilalaman nito ang bowling alley at bilyaran, kantina, at sariling opisina ng CBS.

Kabilang sa mga dumalo sa nasabing pagpupulong sina P. Frederik Fermin, O.P., dekano ng Pakultad ng Sining at Panitik; P. Leonardo Legazpi, O.P., rektor ng Seminario Central; Josefina Serapico, assistant dean ng Komersiyo; at Atty. Andres R. Narvasa, vice-rector for Student Affairs. Dumalo rin ang mga piling mag-aaral mula sa lahat ng mga kolehiyo at pakultad.

Nang lumaon, unti-unting nabaon sa limot ang kahilingan ng CBS sa pagpapatayo ng isang recreation center. Sa kabilang banda, hindi naman nabigo ang mga estudyante sa agarang pagpapa-ayos ng mga palikuran at karagdagang telephone booth sa buong Unibersidad.

READ
UST High defers conversion

Tomasalitaan

sikhay (pangngalan)- kasipagan; pagkamaasikaso sa anumang gawain

Kitang-kita ang pagkamasikhay ni Jek sa pag-aalaga ng pusa.

Sanggunian

Diksiyunaryo ng Wikang Filipino: Sentinyal Edisyon

The Varsitarian Tomo 41 Setyembre 30, 1969 Bilang 18

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.