TULAD ng isang ulilang nangangarap magkaroon ng tahanang masisilungan, kailangan din ng wikang Filipino ang isang tahanang mag-aaruga upang higit nitong mapaunlad ang sarili sa loob ng isang progresibong akademya na tulad ng Unibersidad ng Santo Tomas.

Sa mga nagtataguyod ng wikang Filipino, isang hiwalay na kagawaran ng Filipino ang kailangan ng UST upang lubusang mapalaganap at mapaunlad ang sariling wika sa loob ng Unibersidad.

Itinuturing na dalubhasa at tagapagtaguyod ng wikang Filipino ang UST. Iilan lamang sina Genoveva Edroza-Matute, Rolando Tinio, at Rogelio Sicat sa mga dakilang manunulat at guro sa Filipino na produkto ng UST. Isa ring Tomasino ang dating pinuno ng Surian ng Wikang Pambansa na si Dr. Jose Villa Panganiban, ang nagtatag ng Varsitarian at sumulat ng Diksyunaryo Tesauro Tagalog-Ingles. Siya rin ang nagtatag ng Kagawaran ng Tagalog sa UST noong 1938.

Nagpakadalubhasa rin sa UST si Dr. Ponciano B.P. Pineda, ang dating pinuno ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Ipinakikita lamang ng mga halimbawang ito na mahusay na nagampanan ng dating hiwalay na Kagawaran ng Filipino ng Unibersidad ang tungkulin nitong alalayan ang mga mag–aaral at guro na may malasakit sa pag-unlad ng sariling wika. Tinitingala rin ang UST dahil sa mataas na antas ng panitikang Filipino sa Unibersidad.

Ngunit, matapos isilong at pagsamahin ang mga wika sa isang kagawaran, tila nabalewala ang wikang Filipino dahil nawalan ito ng sariling tahanang masisilungan, na siya sanang gagabay sa higit na pag-unlad nito.

Sa apat na pangunahing unibersidad sa Pilipinas, ang UST lamang ang walang hiwalay na Kagawaran ng Filipino. Tinanggal na sa Graduate School ang Masters at Doctorate degrees sa Filipino dahil sa kakulangan ng mga estudyante. Nagsilipat na rin sa ibang mga kolehiyo at unibersidad ang mga espesyalista sa wika na ipinagmamalaki ng Unibersidad. Dahil dito, patuloy ang pagbaba ng antas ng pagtuturo ng asignaturang Filipino sa UST. Nababawasan na rin maging ang kalidad ng panitikang Filipino sa Unibersidad sapagkat walang konkretong programa o kurikulum na aagapay sa higit na kalinangan nito.

Pagsasanib

Naging Kagawaran ng Pilipino ang Kagawaran ng Tagalog na itinatag ni Panganiban nang maging direktor nito si Dr. Antonia Villanueva noong 1967.

Ayon kay Prop. Rogelio Obusan, historyador at in-house editor ng UST Publishing House, nakamit ng kagawaran ang ginintuang panahon nito nang maging rektor si P. Leonardo Legaspi, O.P., ang kauna-unahang Pilipinong rektor ng Unibersidad, noong 1971-1978. Sa panahong ito, nakilala ang Unibersidad dahil sa mga respetadong Taomasinong manunulat sa Filipino.

READ
A 'Herculean' task

Hindi nagtagal, ayon pa rin kay Prop. Obusan, nagkaroon ng kakulangan sa mga guro sa Filipino at unti-unti namang nabawasan ang yunit ng wikang Kastila. Sinabi ni Prop. Obusan na isa sa mga dahilan ng kakulangang ito ang paglipat at paghahanap-buhay ng ibang mga guro sa Filipino sa ibang bansa, samantalang itinakda naman ng Department of Education, Culture and Sports (DECS) ang pagbabawas ng mga yunit ng wikang Kastila.

Bunga nito, sa ilalim ng pamumuno ni rektor P. Frederik Fermin, O.P. (1979-1982), isinanib na lamang ang wikang Filipino sa isang kagawaran, kasama ng Ingles at iba pang mga wikang itinuturo sa Unibersidad gaya ng Pranses, Aleman at Niponggo at tinawag itong Department of Languages.

Ayon naman kay Dr. Jose Dakila Espiritu, pangalawang dekano ng College of Education, pinagsama-sama ang lahat ng mga wikang itinuturo sa Unibersidad upang maging mas malakas ang puwersa ng Department of Languages.

“Iyon ang kasalukuyang istruktura o kayarian sa UST kaya kailangang pansamantala natin itong sundin,” paliwanag ni Dr. Espiritu.

Kakulangan

Sa isang malaking kagawaran na tulad ng Department of Languages, kinakailangan ang pantay na pag-aasikaso sa mga kasaping wika. Para sa wikang Filipino, isang malaking suliranin ang kawalan ng direktor at sariling tanggapan na gagabay sa gawain at mga proyekto nito. Dahil dito, nawalan ang Unibersidad ng pokus sa mga programang laan sa pagpapayaman ng wika.

“No one’s heading (Filipino) at the moment that’s why the present set-up is not successful,” ayon kay P. Jose Antonio Aureada, O.P., Vice-Rector for Academic Affairs.

Naniniwala naman si Rosario Alonzo, Filipino coordinator ng UST High School (USTHS), na higit na mahirap pamahalaan ang kagawaran kapag magkakasama rito ang mga wika.

“`Yung head halimbawa, nagtuturo sa English. Hindi naman lahat ng kaalaman sa Filipino maaari niyang malaman,” ani Alonzo.

Idinagdag naman ni Prop. Ma. Susana Gualvez ng College of Education na hindi natututukan bilang isang pag-aaral ang Filipino dahil wala itong sariling kagawaran na tutugon sa mga layunin nito.

“Tama lamang na parehong linangin at payamanin ang wikang Filipino at Ingles subalit hindi dapat mahuli ang Filipino,” wika ni Gualvez.

Ngunit, idiniin naman ni P. Aureada na walang dahilan upang paghiwalayin ang kagawaran ng Ingles at Filipino. Sinabi niyang kinakailangan lamang ng eksklusibong pagtingin sa kapakanan ng wikang Filipino.

READ
Thomasian activists march against tuition increase

“The head (of the department) would take charge of English, (and) the assistant would take charge of Filipino, there’s no need to separate the two (departments),” ani P. Aureada.

Sinabi naman ni Prop. Gualvez na dapat magkaroon ng malawakang pananaliksik tungkol sa wikang Filipino na maibabahagi ng mga guro sa mga estudyante.

“Nakatutulong kung research-oriented ang mga guro dahil bihira ang mga research outputs dito,” aniya.

Bukod dito, ayon kay Prop. Obusan, kailangan ng mga guro ang sapat na kagamitan at kaalaman sa pagtuturo at pagsasalin ng mga akda mula sa isang wika upang magamit sa pananaliksik sa Filipino.

Ayon naman kay Prop. Cynthia Luz Rivera, puno ng Center for Intercultural Studies, may mga ginagawang pananaliksik sa wika ang kanilang mga guro. Sinabi rin niyang mayroon silang mga proyektong naglalayong paunlarin at payamanin ang iilang kurso sa Filipino. Dagdag pa rito ang masining na pagsasalin sa Filipino ng mga tulang nakasulat sa iba’t ibang katutubong wika, at mga tula ni Pablo Neruda, isang premyadong makatang Espanyol.

Mungkahi

Mahigit sampung taon na ang nakalilipas nang itatag ang Department of Languages sa UST at sa pagsasanib na ito, nakaligtaan ang ibayong pagsubaybay sa pagpapayabong ng wika. Bunga nito, marami ang nagnanais na magkaroon muli ng sariling kagawaran ang wikang Filipino sa UST.

Para kay Dr. Espiritu, mas malikhain noon ang mga guro sa Filipino dahil alam nilang mayroon silang sariling kagawaran. Ngunit mas nanaisin niyang magkaroon ng isang Sentro ng Wika sa Unibersidad.

“Kapag sinabi mong kagawaran ng wika, maliit lamang iyon. Ang sentro ng wika ang magsisilbing makinaryang magpapaandar sa mga isyu ng wika sa UST,” paliwanag ni Dr. Espiritu.

Tulad ng mithiin ni Dr. Espiritu, iminungkahi rin ni Prop. Obusan ang pagkakaroon ng malawakang Institute of Languages. Magsisilbi itong tahanan ng lahat ng mga wika kung saan magtatalaga ng isang direktor na mangangasiwa sa pangangailangan ng nasabing mga wika.

“Magiging maayos ang pagpapalakad (ng bawat kagawaran). Makikita mo agad ang pagkukulang. Mapag–iibayo mo ang mga adhikain ng isang kagawaran,” ani Prop. Obusan.

Ngunit idiniin niya na nasa nakatataas na mga opisyal pa rin ang huling desisyon kung tatanggap ang konserbatibong Unibersidad ng pagbabago.

“Fr. Aureada is very open and broadminded. I think he would be very receptive to all ideas tungkol sa bagay na iyan,” dagdag ni Prop. Obusan.

READ
Thomasian virtuosos play for the children of Concordia

Sang-ayon si P. Aureada na hindi dapat ipagwalang-bahala ang Filipino subalit, “Ang bone of contention d’yan (ay) is Filipino (still) an effective means of communication?” aniya.

Para naman kay Dr. Benilda Santos, puno ng Kagawaran ng Filipino ng Ateneo de Manila University (AdMU), mahalaga ang isang institusyonalisadong kagawaran na may tanggapan, mga tao, at mga prinsipyong sinusunod upang umunlad ang wika. Sa ganitong paraan, higit na magiging sistematiko ang mga pag-aaral at pananaliksik tungkol sa wikang Filipino.

“Mahalaga rin ito (kagawaran) sa karaniwang mag-aaral. Paano ang inyong pagkamalikhain kung hindi magkapantay ang pagpapakita ng posibilidad ng paglikha sa wikang Ingles at wikang Filipino sa malinaw at maayos na paraan?” paliwanag ni Dr. Santos.

Ipinahayag naman ni Dr. Nita Buenaobra, kasalukuyang komisyoner ng KWF, na maaaring hindi lamang nabibigyan ng insentibo o tamang motibasyon ang mga propesor at mga namumuno sa UST kung kaya walang kaukulang aksyon ang Unibersidad sa pagkakaroon ng hiwalay na kagawaran.

“Isang progresibong unibersidad ang UST na kapag napaliwanagan ang kinauukulan, makikiisa rin (sa pagkakaroon ng kagawaran ng Filipino),” ani Dr. Buenaobra.

Taliwas naman ang opinyon ni Prop. Rivera sa isyu ng pagsasarili ng kagawaran ng Filipino.

“Ano ba talaga ang gusto nating gawin sa Filipino? May dedikasyon ba tayo gaya sa ibang unibersidad na mayroon talagang kagawaran ng Filipino? Dapat talaga mayroon tayong mga guro sa Filipino na kakatawan sa pagpapalaganap ng wikang Filipino,” paliwanag ni Prop. Rivera.

Idinagdag niya na nahuhuli na ang UST sa pagpapaunlad ng wikang Filipino ngunit hindi agad ito maaaring bumuo ng hiwalay na kagawaran dahil walang sapat na credentials ang kasalukuyang mga guro sa Filipino ng Unibersidad tulad ng Masters o Doctorate degrees. Sa kabila nito, naniniwala siyang makakayang abutin ng UST ang pag-unlad ng Filipino sa dahan-dahan ngunit tiyak na paraan at direksyon.

Sariling tahanan

Itinuturing ang UST na isa sa mga pinakadalubhasang paaralan sa Pilipinas. Malayo na ang narating ng Unibersidad sa iba’t-ibang aspetong akademiko. Ngunit hindi dapat makalimot ang UST na tumapak sa sariling lupa at tugunan ang sariling pangangailangan.

“Ang akin lamang kung may lugar sila (nagsasalita ng Ingles) bakit hindi bigyan ng lugar ang sarili nating wika? May lugar nga ang wikang Pranses, Espanyol, Aleman. Bakit walang tahanan ang wika natin?” ani Dr. Santos. Kasama si Frances Margaret H. Arreza

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.