PANAHON ng pagpapatawad, pagbabalik-tanaw, pag-aayuno, at pananalangin ang Kuwaresma.
Bawat taon, nakagawian na ng mga Pilipino ang 40 araw na paggunita sa kamatayan ni Hesukristo at paghahanda sa muli Niyang pagkabuhay.
At sa mga tradisyon ng simbahang Katoliko, maituturing ang Kuwaresma na isa sa mga pagdiriwang na puno ng makukulay na ritwal at makabuluhang tradisyon.
Ang mga ritwal
Nagsisimula ang Panahon ng Kuwaresma sa Miyerkules de Ceniza o Miyerkules ng Abo na tumapat ngayong taon sa Pebrero 13.
Sa araw na ito, katulad ng karaniwang araw ng Linggo, maraming mga deboto ang nagtutungo sa simbahan upang magsimba at mapahiran ang kanilang noo ng abong buhat sa mga sinunog na palaspas noong nakaraang taon. Mula sa araw na ito hanggang Sabado de Gloria, isasagawa ng mga Katoliko ang pag-aayuno at abstinensiya tuwing Biyernes.
Ang Miyerkules ng Abo rin ang simula ng pagbasa ng Pasyong Mahal, ang buhay ni Hesukristo na binibigkas nang paawit. Karaniwang ginagawa ang pagbabasa matapos magsimba. Naghahalinhinan ang mga taong nagbabasa dahil ayon sa tradisyon, hindi ito dapat huminto hanggang matapos ang may 240 pahinang aklat.
Ayon kay Gng. Antonia Calumpiano, 54, parokyano ng Mary Queen of Apostles Parish sa Parañaque, isa sa pinakamahalagang bahagi ng kanyang buhay ang lumahok sa pabasa tuwing sasapit ang Kuwaresma.
“Parang ang laki-laki ng kasalanan ko kapag hindi ko ito nagawa (pasyon). Isang gabi nga lang (na nakaligtaan kong dumalo), hindi na ako makatulog,” pahayag ni Gng. Calumpiano.
Mistulang pista naman ang paligid ng mga simbahan tuwing sasapit ang Linggo ng Palaspas o Linggo de Ramos. May dalang palaspas ang bawat nagsisimba upang makilahok sa ritwal na gumugunita sa pagdating ng Panginoong Hesukristo sa Herusalem.
Nagkakaroon ng isang prusisyon na humihinto sa mga bahay-bahay. Umaawit ng “Hossana” ang mga batang kasama sa prusisyon habang naghahagis ng mga talulot ng bulaklak sa mga taong nagwawasiwas ng palaspas.
Pagkatapos nito, babalik ang prusisyon sa loob ng simbahan kung saan nilalatagan ng panyo o alampay ng mga matatandang babae ang dinaraanan ng pari patungo sa altar upang magmisa. At sa kalagitnaang bahagi ng misa, lilibot ang pari upang basbasan ang mga palaspas ng mga deboto.
Sinasabing mabisang pananggalang sa masamang espiritu, mga kidlat, at iba pang kalamidad ang mga palaspas na dala ng mga tao sa simbahan kung kaya’t inilalagay ang mga ito sa mga bintana o pintuan ng kanilang mga tahanan. Samantala, tinatawag na Santo-santo ang mga sumusunod na araw makalipas ang Linggo ng Palaspas.
Isa namang kaugalian sa mga probinsya ang pagdalaw ng mga kabataan mula sa iba’t ibang barangay sa mga pagoda o kubol na pinagdarausan ng pabasa. Sa kasalukuyan, partikular na dito sa Kamaynilaan, tinatawag na Visita Iglesia ang rural na ritwal na ito. Ngunit sa halip na mga kubol, mga simbahan naman ang dinadalaw ng mga mananampalataya.
Masasabing hindi kumpleto ang pagdiriwang ng Mahal na Araw kung walang mapapanood na Senakulo, isang pagtatanghal ng buhay ni Kristo. Napapanood sa loob ng sampung araw ang mga pagtatanghal na ito na sinasaliwan ng musika at kumpleto sa magarbong kasuotan.
Hindi rin mabilang ang mga prusisyong ginaganap tuwing Mahal na Araw. Pagsapit ng Biyernes Dolores, ginaganap ang unang prusisyon sa gabi bago dumating ang Linggo de Ramos. Itinatampok dito ang imahen ng Birheng Maria bilang tagapasan ng lahat ng kalungkutan at dusa ng isang ina.
Samantala, sa gabi naman ng Martes Santo isinasagawa ang prusisyon ng pagsasalubong. Ipinakikita rito kung paano pinahiran ng panyo ni Maria Veronica ang sugatang mukha ni Hesus. Sa pagdaan ng prusisyon ng iba-ibang santo sa harap ng simbahan, isinasalubong ang pinapasang karo ni Maria Veronica.
Sa pagtapat nito sa karo ng Nazareno, bahagya itong iniluluhod nang tatlong beses at saka biglang inaalis ang takip na panyo o birang na hawak niya upang ipakita ang tatlong mukha ni Hesus na puno ng dugo at luha. Pagkatapos ng salubong, isusunod na ang karo ni Santa Veronica sa karo ng Nazareno upang ipagpatuloy ang prusisyon pabalik sa simbahan.
Sa gabi ng Huwebes Santo naman nagaganap ang misa ng Huling Hapunan. Sa misang ito isinasagawa ng pari, na kumakatawan kay Hesukristo, ang seremonya ng paghuhugas sa mga paa ng 12 lalaking pinili bilang kanyang mga apostoles.
Isa rin sa mga ritwal ng Mahal na Araw ang Pitong Wika o Siete Palabras tuwing Biyernes Santo. Nagsisikip ang mga simbahan sa dami ng taong nais makiisa sa paggunita sa pagkamatay ni Hesus sa krus matapos niyang bigkasin ang Kanyang huling pitong wika.
Sa pagsapit ng Huwebes o Biyernes Santo, masasaksihan din ang Dapa-dapa o Hampas-dugo. Kadalasan, nagpipinitensya ang mga lalaking namamanata para sa kanilang sarili o para sa kanilang mga mahal sa buhay.
Ayon kay Robert Cleorap, 37, isang namamanata mula sa Las Piñas, taun-taon siyang nagpepenitensya bilang ng Diyos sa kanya.
“Hindi ako tulad ng iba na nanghihingi o humihiling ng himala,” pahayag ni Cleorap.
Karaniwang nagsisisimba muna ang mga naghahampas-dugo upang humingi ng basbas ng Panginoon bago sila magtungo nang nakahubad ang damit pang-itaas sa “tabaran,” ang lugar ng pagpepenitensya.
Sa ritwal ng penitensya, basag na boteng nakabaon sa kahoy ang itinatarak sa magkabilang bahagi ng likod ng mga lalaking namamanata. Pagkatapos nito, paduduguin nila ang sariling sugat sa pamamagitan ng paghahampas dito ng bulyos, na binubuo ng sampu o mahigit pang pirasong kawayan na kasinlaki at kasinghaba ng daliri.
Kasabay ang isang alalay, karaniwa’y isang kaibigan ng namamanata, lalakad sila sa lansangan habang hinahampas niya ang sariling likod.
At sa tuwing dadapa siya sa harap ng mga kubol at mga tahanang may pabasa, hinahampas naman siya ng kanyang kasama mula sa talampakan pataas hanggang puwit. Nakaugalian na rin na kailangang mag-ulit sa kanyang pamamanata sa susunod na Mahal na Araw ang isang naghahampas-dugo na nalagasan ng bulyos.
Karaniwang sinusundan ng kanyang kamag-anak o kaibigan na bumabasa ng pasyon ang isang naghahampas-dugo. Matapos ang kanyang pamamanata sa araw na iyon, maliligo siya sa ilog upang linisin ang mga natamo niyang sugat o hindi kaya’y maglalagay ng nginatang usbong ng bayabas.
Ayon sa mga namamanatang tulad ni Cleorap, madaling gumagaling, ang mga sugat na natamo sa pamamagitan ng paghahampas-dugo.
“Noong una rin hindi ako naniniwala hanggang ako mismo ang nakasaksi ng himalang ‘yun (madaling paghilom ng sugat),” ani ni Cleorap.
Katulad ng maraming namamanata, naniniwala si Cleorap na sa pamamagitan ng mga gawaing ito naisasabuhay ang Kristiyanismo at napalalago ang ispiritwal na pamumuhay ng mga Katoliko.
Panatisismo at pananampalataya
Kaganapan ng isang pangarap, kasagutan sa isang panalangin, pagtatapos ng paghihirap¯iilan lamang ang mga ito sa karaniwang dahilan ng mga panatiko ng Kuwaresma.
Sa paniniwalang agarang makatatamo ng kapatawaran sa mga kasalanang nagawa, maraming kalalakihan ang ginagawang panata ang pagsama sa pagpepenitensya. Pinaniniwalaan nilang matutumbasan ng bawat hagupit nila sa katawan ang kanilang mga pagkakasala.
Ayon kay Cleorap, paghingi ng kapatawaran ang dahilan ng karamihan sa mga nakasama niyang magpenitensya.
“Maliban sa (pa)tawad, biyaya naman sa buhay (ang dahilan ng pagpepenitensya) ng ilan,” dagdag ni Cleorap.
Samantala, nagtitiis na hindi matulog ang mga matatandang tulad ni Gng. Calumpiano matapos lamang ang ilang daang pahina ng pasyon. Ayon sa kanya, maliban sa inilalapit siya nito sa Panginoon, nararamdaman pa niyang lalong humahaba ang kanyang buhay.
“Sa tuwing nagbabasa ako (ng pasyon), nararamdaman kong lumalapit sa akin ang Diyos at pinapatawad ako,” ani ni Gng. Calumpiano.
Kuwaresma at kabataan
Sa ngayon, hindi na monopolyo ng matatanda ang pagbabasa ng pasyon, pagpipinitensya, at pangingilin, sinusubukan na rin ito ng mga kabataan.
Ayon kay Karen Halili, ikalawang taon sa Faculty of Arts and Letters (AB), pinananatili niya ang pagiging tapat sa kanyang relihiyon sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pabasa.
“I make it a point to celebrate holy week. Gumagaan kasi pakiramdam ko kapag sinusunod ko ‘yung mga rituals at para bang nababawasan ‘yung mga nagawa kong kasamaan the past year,” ani ni Halili.
Gayundin naman, bahagi na ang pag-aayuno sa Kuwaresma ni Ace Anthony Teodoro, miyembro ng Pax Romana sa Faculty of Engineering.
“Ginagawa ko ‘yun (pag-aayuno) bilang pakiki-
bahagi sa Kuwaresma. Inaalala ko ang kadakilaan ng Panginoon nang ibinuwis Niya ang sarili Niya para sa atin,” ani ni Teodoro.
Sa kabilang banda, kung mayroong mga kabataan na nakikiisa sa mga kagawian tuwing Kuwaresma, mayroon din namang hindi umaayon sa konsepto nito.
Ayon kay Marlon Tan, ikalimang taon sa kursong Industrial Engineering at isang Protestante, hindi na kailangang paulit-ulit na alalahanin ng mga Katoliko ang kamatayan ni Hesus.
“Sa palagay ko kasi, hindi na dapat inuulit nang inuulit ‘yun (paggunita sa pagkamatay ni Hesus). Para sa akin Jesus is always alive and He will never die,” pahayag ni Tan.
“Okay lang yung pag-alalang, Jesus was crucified, but the death aspect is too morbid to the point that some of them (Catholics) crucify themselves which I think is wrong. They don’t have to prove that in order to be worthy for God’s salvation,” dagdag ni Tan.
Tulad ni Tan, hindi rin naniniwala sa ilang konsepto ng Kuwaresma si Francis Pasco, 5th year sa kursong Civil Engineering.
Ayon sa kanya, kahit na relihiyoso ang buo niyang pamilya, hindi niya mapigilan ang sarili na tumutol sa ilang ritwal na nasasaksihan niya tuwing Kuwaresma, partikular na tuwing Biyernes Santo.
“Tutol ako sa mga nagpepenitensya. Hindi naman ‘yun ang tamang paraan para humingi ng tawad sa Diyos. Gumawa ka na lang ng mabuti para sa iba,” ani ni Pasco.
Kuwaresma at simbahan
Ayon naman kay P. Delfin Perras ng St. Joseph Parish sa Quezon City, hindi garantiya ang pagsunod sa mga ritwal na ito upang masabing tumatalima ang isang Katoliko sa mga turo ng simbahan.
“Pag nalalaman mo ang totoong kahulugan ng mga ginagawa mo para sa iyong pananampalataya, tiyak na makatatanggap ka ng biyaya mula sa Panginoon. ‘Yung mga taong sumusunod lamang sa mga pangrelihiyong ritwal na ito bilang tradisyon ay misinformed,” ani ni P. Perras.
Dahil dito mahalagang gabayan ng simbahan ang mga tagasunod nito .
“Sana gumawa ang simbahang Katoliko ng mga hakbang para mag-reach out in terms of educating religious ritual fanatics about their faith,” pahayag ni P. Perras.
Ipinaliwanag din niya ang kahalagahan ng pagtuklas ng mga Katoliko sa tunay na kahulugan ng kanilang pananampalataya.
“They have to do their part in studying their faith, para yung mga ginagawa mo will be in line with the mainstream teaching of the Catholic Church,” ani P. Perras.
Samantala, ayon kay Prop. Clarence Batan, sosyologo mula sa AB, bahagi ng mayamang kultura ng mga Pilipino ang mga ritwal na isinasagawa ng mga Katoliko tuwing sasapit ang panahon ng kuwaresma.
Kahulugan ng kuwaresma
Paghahanap ng kahulugan ang dahilan ng bawat galaw ng tao. Sa pamamagitan ng pagkatuklas nito, nabubuo ang kanyang pagkakakilanlan, ang kanyang pagkatao.
Tulad ng isang bulag na naghahanap ng kulay at hugis sa madilim na kapaligiran, matatamasa ng mga Katolikong sumusunod sa mga nakagawiang ritwal ng nakaraan ang kabuuang kahulugan ng kanyang pananampalataya sa kaibuturan ng kanyang puso.
Taun-taon man na magpenetensya at bumasa ng pasyon ang sinuman, magiging matagumpay lamang ang kanyang hangarin kung aalalahanin at isasapuso niya ang kadakilaan ng pagbubuwis ni Hesukristo ng Kanyang buhay para sa ikaliligtas ng mga taong makasalanan.
“Lent prepares the new life of Christ in his resurrection. Following the real teachings of the church, Lent will really make life more meaningful,” wika ni P. Perras.