KABILANG sa palasak na hanay ng pagtatanghal at patimpalak ng Unibersidad ng Santo Tomas (UST) para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ang pagdaraos ng balagtasan, dula, sabayang pagbigkas, madamdaming pagsasayaw at pagpapatugtog ng mga instrumento, pag-awit, pagsasadula ng piling bahagi (excerpt), at video presentation. Nilalahukan ang mga nabanggit na pagtatanghal ng mga estudyante sa iba’t ibang kolehiyo, pati na sa sekundarya at elementarya.
Layunin ng Unibersidad na makapagdaos ng makabuluhang pagtatanghal na naglalarawan sa mga pagbabago sa buhay ng mga Pilipino sa paglipas ng panahon. Higit dito, nais ng Unibersidad na bigyan ng bagong kahulugan ang iba’t ibang yugto sa kasaysayan kung saan may ginampanang mahalagang papel ang mga Pilipino.
Subalit kung susuriin, hindi tunay na nakatuon ang mga layunin at programa ng Unibersidad sa tapat na pagpapayabong ng sariling wika, partikular sa tema ng pagdiriwang sa taong ito: “Wikang Filipino: Mahalagang Salik sa Pagpapahayag ng Karapatang Pantao.”
Magkakaibang pananaw
Maituturing na tradisyon o ritwal na lamang sa elementarya at sekundarya ang pagkakaroon ng exhibit at parada ng mga guro at mag-aaral na nakabihis ng katutubong kasuotan ng iba’t ibang rehiyon ng bansa.
“(Ginagawa namin ito) bilang pagbabalik-tanaw o paggunita sa pagka-Pilipino nating lahat, at may kaugnayan (ito) sa (ating) wika,” paliwanag ni Gng. Rosario Alonzo, coordinator ng Filipino sa UST High School (USTHS).
Sa USTHS, may iniuukol na patimpalak sa bawat antas – para sa unang antas, masining na pagbasa; Carillo o puppet show sa ikalawang antas; dulamat o pagsasadula ng natatanging alamat sa ikatlong antas; at paglikha ng awit sa ikaapat na antas.
Halos magkatulad ang mga programa ng mga kolehiyo at iba pang departamento ng Unibersidad. Subalit nagkakaiba naman ang mga estudyante sa kanilang pananaw tungkol sa tunay na kahalagahan ng Buwan ng Wika.
“Mas active ang participation namin kapag Buwan ng Wika kasi kami, nagkakaroon ng parada. Wala pa akong nakikitang gumagawa noon sa colleges,” wika ni Marita Pacheco, nasa ikaapat na taon sa USTHS.
Samantala, iilang estudyante sa kolehiyo ang nagbibigay-pansin sa Buwan ng Wika dahil sa kanilang mga sariling pananaw tungkol sa pagdiriwang.
“Para kasing corny `yung mga programs para sa Buwan ng Wika kapag nasa college ka na dahil parang pambata lang ang mga iyon,” ani Diana Alonzo, estudyante ng BS Tourism.
“Hindi naman dahil corny o baduy (ang Buwan ng Wika), wala lang kasi kaming time mag-practice para sa mga programs hindi tulad sa high school,” paliwanag ni Dionela Marie Ambrosio ng BS Tourism.
Ayon kay Prop. Reynaldo Candido ng Faculty of Arts and Letters (AB), iba ang konotasyon kapag ikinikintal ang kahalagahan ng wikang Filipino sa mga estudyante.
Aniya, hindi kailangang dalisay ang pagsasalita sapagkat hindi naman ginagamit sa pangkaraniwang usapan ang malalalim na terminolohiya sa Filipino. Malaki lalo ang pagkakaiba ng pasalita sa pasulat na paggamit ng wikang Filipino.
Maituturing ding problema ang kakulangan sa pagpapalaganap ng impormasyon sa mga estudyante tungkol sa pagdiriwang dahil kakaunti lamang ang mga anunsyo na nakapaskil at nababasa nila (kung binabasa man).
Subalit ayon kay Dr. Jose Dakila Espiritu, pangalawang dekano ng College of Education at officer-in-charge ng Department of Languages sa Unibersidad, “Ayokong isipin na hindi alam ng mga estudyante ang mga gawain para sa Buwan ng Wika kasi tungkulin ng mga guro sa Filipino na palaganapin ito sa klase nila.” (Hindi nakakuha ng pahayag ang Varsitarian kay Dr. Johanna Nila Hashim, ang puno ng departamento hinggil sa isyu sapagkat kasalukuyan siyang nasa Hawaii habang sinusulat ang artikulong ito.)
Gayunpaman, sinabi ni Candido na tungkulin din ng bawat estudyante na magkusa na makilahok sa mga patimpalak at programa ng pagdiriwang.
Pag-unlad
Ayon kay Prop. Michael Coroza ng AB at junior associate sa UST Center for Creative Writing and Studies (CCWS), magiging angkop at mapaiigting ang pagtangkilik sa wikang Filipino sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa mga programang nakapagpapalinang ng kaisipan.
“Kapag sinuri mong maigi ang Buwan ng Wika, ang nangyayari parang isang pakitang-taong pagdiriwang lamang ito sa importansiya ng wika,” ani Coroza.
Nagkakaisang iminungkahi nina Gng. Susana Gualvez ng College of Education, Coroza, at Candido ang regular na pagdaraos ng mga seminar at symposia tungkol sa wika para sa mga guro at estudyante. Kinakailangan din na tumutugon sa mga kasalukuyang pambansang isyu ang tatalakayin ng mga ito.
“Dapat na iugnay ang mga programa (sa Buwan ng Wika) sa post-modernismo at hindi sa katutubong pagkain, sayaw, at iba pa,” wika ni Coroza.
Idinagdag ni Candido na hindi na napapanahon ang cultural presentations at fashion shows na walang kaugnayan sa paggamit ng wika.
Kung susuriin, higit na malaking suliranin ang kakaunting guro na nagtuturo sa Filipino rito sa Unibersidad.
“Mahirap din para sa mga guro ang magsagawa ng masusing pananaliksik kasabay ang pagtuturo sa maraming klase at lalo na sa mga kumukuha pa ng master’s o doctorate degree,” wika ni Gualvez.
Hindi rin maikakaila na “mayroong bias ang akademiya para sa Ingles,” dagdag ni Coroza.
Ayon pa kay Coroza, may mga gurong nag-aakala na sa wikang Ingles lamang nila maituturo ang kanilang pinagkadalubhasaan kaya hindi sila nagsisikap na ituro ito sa sariling wika.
Sinabi rin niyang mas mapapayaman ang wikang Filipino kung magagamit ito sa mga talakayan sa iba’t ibang asignatura tulad ng Kasaysayan, Sosyolohiya, Pilosopiya, Agham Panlipunan, at iba pang sangay ng agham na itinuturo sa ibang kolehiyo at unibersidad tulad ng Ateneo de Manila University at University of the Philippines.
Gayunpaman, hindi sapat ang mga seminar sa pagpapalawak ng kaalaman sa wikang Filipino. Iminungkahi ni Prop. Cynthia Luz Rivera, direktor ng UST Center for Intercultural Studies, ang pagsasaliksik upang punan ang kakulangan sa research output ng Unibersidad, pagsasalin ng mga teksto sa Filipino at iba pang katutubong wika, at paghihikayat sa malikhaing pagsulat ng mga guro at estudyante.
Kapag nailimbag ang mga pananaliksik ng mga guro, “makikita ng mga estudyante na hindi lang sa kalokohan o kabakyaan ginagamit ang Filipino (tulad sa naglipanang popular na babasahin) kundi bilang instrumento din ng palaisipan,” ani Rivera.
Pagpapahalaga
Hindi maitatangging mayroong mentalidad ang mga Pilipino sa paggamit ng sariling wika – na ang mga marurunong lamang mag-Ingles ang tanging edukado at para sa karaniwang-tao lamang ang wikang Filipino.
Ngunit ayon kay Coroza, “kung kaya mong magpaliwanag ng konseptong Pilosopikal sa magbabalut o tindera sa kalye, palagay ko naroon ka na sa tugatog ng iyong karunungan,” wika ni Coroza.
Tunay na mahalaga ang wikang Filipino sa pagsulong ng ating bansa. Isang paraan ang paggamit ng wikang Filipino sa pagtatagpo ng may pinag-aralan at di nakatuntong sa paaralan.
Ang wika ang magbubuklod sa bansa. Nararapat lamang na tangkilikin ang sariling wika bilang pagpapahalaga sa ating mga sarili.
“(Kaya) hindi lang buwanan o lingguhan ang pagpapayaman sa wika, dapat araw-araw,” diin ni Coroza. Frances Margaret H. Arreza